MGA LIKAS NA AGHAM
Sadyang mapamihag ang kalikasan! Nabibighani nito ang isang nilalang sa sandaling imulat ang mga mata at masalamin ang kagandahan ng kapaligiran. Sinusundan ito ng dakilang araw sa kanyang dahan-dahang pagsasabog ng ginintuang liwanag. Ang malamig na hanging nadarama ay nakagaganyak sa kanya upang isagawa ang pang araw-araw niyang gawain.
Ang paglubog ng araw ay nagpapahiwatig ng panibagong bukas na punong-puno ng pag-asa. Ang kahanga-hanga at sari-saring kulay ng bahaghari, ang dumadantay na lamig at pabagu-bagong kalagayan ng panahon ay dala ng hanging bumabalot sa Mundo.
Ang panahon ay bahagi ng buhay ng isang tao. Kapag maganda ang pagdating, pinagagaan nito ang nagpupuyos na damdamin. Minsan nama'y nagdudulot ng pagkawasak sa mga ari-arian ng mga tao. Ang pabagu-bagong panahon ay natitiyak sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga ulap, pagdama sa halumigmig ng hangin, paiba-ibang pag-ihip nito, pagbabago ng temperatura at iba pang kalagayang panghimpapawid.