Marahang binabaybay ni Gabriel ang kahabaan ng dalampasigan gaya ng nakasanayan niyang gawin sa tuwing siya ay nahahapo sa magulong daloy ng mundo sa kaniyang paligid. Malumanay ang hampas ng alon sa dagat na hinahayaan niyang bahagyang humalik sa kanyang mga binti. Salungat sa daloy ng diwa niyang tila daluyong ng samo't-saring isipin na bumabagabag sa kaniyang kalooban. Gusto niyang malunod sa kaniyang sariling mga emosyon kaya mas ninais niyang mapag-isa. Hindi niya rin maunawaan kung ano ba talaga ang kaniyang hinahanap. O kung mayroon ba siyang hinihintay.
Ang araw na kanina’y tirik na tirik ang pagsikat ay nagbabadya nang magpaalam. Habang nakatitig sa kawalan, ang kaninang namumuo niya pa lamang na mga luha ay dahan-dahan nang nagsibaba at humahalik sa makulubot niyang pisngi.
Pagsisisi.
Iyan ang sumusukob sa katauhan ni Gabriel ngayon. Wari’y maihahalintulad niya ang sarili sa araw na patapos na ang pagsikat. Ngunit hindi siya gaya ng araw kung saan mawawalan lamang ng liwanag ng ilang oras at babalik kinabukasan. Dalawang araw na lamang at magwawalong dekada na siya sa mundo. Ramdam niyang ang liwanag ng kaniyang buhay ay nagbabadya na ring magpaalam.
“Mag-asawa ka na’t malapit ka nang lumagpas sa kalendaryo,” ang laging paalala sa kaniya ng ina.
“Kaya kong mag-isa, nay. At mas kailangan kung kumayod kaysa atupagin ang bagay na ‘yan,” ang lagi niya namang sagot.
Noong nagkaroon na siya ng isip ay ninais na niyang magaya sa mga magulang kung saan ay bubuo rin siya ng masayang pamilya. Nais niyang bago magdilim ay makauwi na siya at sasalubungin ng mainit na yakap ng kaniyang asawa at pangungulit ng kaniyang mga anak. Nais niyang mamuhay ng payak kasama ang mga taong paglalaanan niya ng kaniyang buhay.
Lumipas pa ang maraming taon at siya’y nakapagtapos ng kolehiyo. Tila nakalimutan na niya ang mumunting pangarap na binuo. Nakapagtrabaho siya nang maayos bilang supervisor sa isang pabrika kung saan ay kumita rin siya nang maganda. Sa karangyaang biglaang natamasa ay nakalimutan niyang lingunin ang pinanggalingan.
“Anak, ang lagi naming hangad ng iyong ina ay maging masaya ka,” nakangiting turan ng kaniyang amang nakaratay na sa ospital.
Ang pabulong na boses at hirap nito sa paghinga ay tanda na malapit na itong magpaalam anumang oras. Ngunit sa kabila ng sitwasyon ng kaniyang ama ay bakas sa mukha nito ang tunay na nararamdaman. Kumikislap ang nangungusap nitong mga mata. Ganoong-ganoon ang kaniyang ama sa tuwing kausap ang kaniyang ina na isang taon na ring namayapa. Ang labi nitong pinaliligiran na ng kulubot ay dahan-dahan ngunit magiliw pa ring nagpinta ng ngiti na siyang nagbigay ng kakaibang liwanag sa mukha nito.
“Marahil ay bata ka pa, anak. Ngunit maikli lamang ang buhay. Kung darating ang araw na tayo’y magpapaalam na, mas maluwag sa dibdib kung bago tayo magpapalam ay nalaman natin kung ano ba talaga ang layunin natin sa mundo.”
Napakamakahulugan ng huling salitang binitiwan ng kaniyang ama. Ngunit dahil wala pa siyang pakialam sa bagay-bagay ay hindi na niya iyon inintindi.
Pumanaw ang kaniyang ama, ngunit nagpatuloy siya sa nakagawian. Wala na ang mga magulang na gumagabay sa kaniya at wala na siyang ibang malapit na kapamilya. Pero para sa kaniya ay mas nakabubuti iyon dahil mas gusto niyang mamuhay nang mag-isa. Isinubsob niya ang sarili sa trabaho, ngunit iwinaldas ang pera sa pagsusugal sa kasino at pambababae.
Para sa kaniya, iyon ang layunin niya sa mundo. At naisip niyang nagawa na niya ang nais ng ama para sa kaniya ̶ ang maging masaya. Iyon ang kaligayahan na alam niya. Ang kaligayahan na pansamantala lang pala.
Muli niyang pinagmasdan ang araw na tuluyan nang lumubog. Sa paggunita sa nakaraan ay muli niyang naalala ang laging tinatanong ng kaniyang ama bago ito namayapa.
Ano sa tingin mo ang layunin mo sa mundo?
Magwawalong dekada na siya sa mundo, ngunit tila siya’y nagkakaisip pa lamang upang tanungin ang sarili niya sa layuning inukit ng tadhana para sa kaniya. Ang sakit na iniiinda niya ngayon ang tanging baon sa mga taong lumipas. Wala siyang pinahalagahan. Kahit ang kaniyang katawan na tangi niyang puhunan sa pakikipagsapalaran sa mundo ay kaniyang inabuso. Wala siyang nabuo. Ang mumunting pangarap ay hindi niya nagawang maisakatuparan, kaya ngayon ay mag-isa niyang tinatahak ang landas ng buhay.
Nag-iisa. Nalulungkot. Nanghihinayang. Nagsisi.
Gusto niyang bumawi, ngunit ito na’y imposibleng mangyari.