Isang magiting, hinahangaan, at
pinagpipitagang tao kung kilalanin si Ginoong Wilfredo M. Dakila, o mas kilala ng mga estudyante ng Anselmo A. Sandoval Memorial National High School sa palayaw na "Sir Wil." Bilang ulong guro ng paaralan,
madalas siyang makikita sa pasilyo ng paaralan, nag-iikot at nagmamasid sa mga gusali at pasilidad ng paaralan, sinisigurado ang kalinisan at kaayusan ng mga ito. Sa paglilibot niya ay nakakasalubong niya ang daan-daang mag-aaral ng Anselmo at karamihan sa mga ito ay bumabati sa kaniya. Ang punong-guro ng Anselmo A. Sandoval Memorial National High School. Kung hindi man siya nag- iikot sa campus ng paaralan, maaaring siya'y nasa loob ng kanyang opisina, pumipirma at nagbabasa ng mga dokumento ng paaralan, at 'di magtatagal ay lilisanin niya ang silid na iyon upang bumisita naman sa mga kasamahang gurong nagtuturo sa paaralan. Una'y kumustahan at kalaunan ay ang pagpapalit ng impormasyon ukol sa mga kaganapan sa
iskuwelahan, mga planong kaganapan, at kahusayan ng mga Anselmians, mula sa kanilang pisikal, mental, at emosyonal na kaurian. Siya iyong palaging nakaputing damit at pantalon, habang may dalang tungkod na aakalain mong ibang tao, ayon na rin sa ilang mag-aaral na hindi
nakakikilala sa kaniya. Mapagkakamalan nga siyang doktor o 'di kaya'y nars dahil sa kaniyang
ayos ng pananamit. Ganiyan siya sa paaralan, at iyan ang pagkakakilala ng marami sa kaniya. Mahilig siyang makipagbatian at makipagbiruan sa mga estudyante na parang kaklase lamang siya ng mga ito. Hindi man maikakailang siya'y istrikto, masasabing normal lamang ito sapagkat siya ay isang ulong guro, at ang responsibilidad na dala niya ay tunay na mahalaga para sa
kapakanan ng mga mag-aaral, sa kanilang kinabukasan. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, sino
nga ba siya?
Si Ginoong Wilfredo Dakila ay ang kasalukuyang Ulong Guro IV ng paaralang AASMNHS.
Bago pa man siya mamahala sa paaralang ito, naging mahusay at matagumpay ang tungkulin niya bilang isang ulong guro sa isa pang mataas na paaralan sa bayan ng Bauan. Dito
mapatutunayang siya ay dalubhasa sa kaniyang tungkulin, na ipinamamalas niya ngayon. Mababakas sa kaniya ngayon ang mga kasanayang tanging mga may karanasan lamang ang
nagtataglay: ang sipag, tiyaga, pagpupursigi, pagsisilbi, at malasakit niya sa kapuwa ay tunay
at walang kapantay. Kung sa eskuwelahan ay hindi mababakas ang pagod at hirap sa kaniyang mga ngiti, sa katotohanan ay nararanasan din niya ito, gaya ng isang normal na taong nagsusumikap at nagta-trabaho. Ngunit, siya ay naiiba, sapagkat kinakaya niyang tiisin at pagtiyagaan ang hirap, pagod, at mga pagsubok na kaniyang kinakaharap sa paaralan man o sa personal niyang buhay. Gaya niya, hindi dapat natin gawing isang balakid ang mga kinakaharap natin sa buhay, bagkus ay pagtiisan at pagsumikapang mapagtagumpayan tungo sa kinabukasang hangad nating marating, ang kinabukasang inaasam ng lahat, para sa ikabubuti ng marami. Siya ay nagsisilbing inspirasyon at pundasyon ng pangarap ng mga
Anselmians, at patuloy siyang maglilingkod kasama ang mga mahuhusay na guro ng paaralang
ito, para sa kinabukasang inaasam ng mga kabataan ng bayan.
Photo from https://www.facebook.com/share/p/qGh6aaRGDS81aCEm/?mibextid=oFDknk