Init ng sikat ng araw ay di alintana,
Pagod at pawis ay halos hindi madama.
Sa pagsusumikap ang pamilya ang iniisip,
At kahit masunog ang balat sa ilalim ng init.
Kakapiranggot na bayad ay pinagtitiisan,
Upang ang kumakalam na sikmura ay mapagsidlan.
Pagod na nadarama ay naiibsan,
Kapag may pagkain na nalapag sa hapag-kainan.
Bigat ng pinapasan ay kinakaya ng katawan,
Di iniisip kung magkaroon man ng karamdaman.
Basta may maiuwing konting kita sa kanilang tahanan,
At makita ang mga anak na masayang naghahapunan.
Lakas ng katawan ay ang kanyang puhunan,
Kaya nga "Bawal Magkasakit",yan ang kanilang kasabihan.
At kapag sa katawan ay may naramdaman,
Iinom lang ng gamot at tuloy sa pagpapasan.
Kaya nga ako ay saludo sa mga taong ganito,
Dahil kahit hirap sa buhay ay gumagawa ng matino.
Pagpapagal at sakit katawan ay di iniisip,
Basta sa marangal na paraan nanggaling ang perang kapalit!
Kaya huwag nating silang husgahan,
Dahil sa estado ng buhay na kanilang kinalalagyan.
Dahil kung sino pa ang mababa at marumi sa tingin ng lipunan,
Ay sila pala ang may busilak na kalooban.