"Dalawang Salita"
Dalawang salita ang sasalitain,
nailimbag sa puso't panimdim,
larawang tunghay kung sisilayin,
ninanasa-nasa'y aba man din.
Nguni't tila kay hirap marinig
ang mga katagang iyon sa bibig.
Talagang labis, pinagkakait,
diring lubha at kapait-pait.
Ako ba ay kinasusuklaman?
Pagmamakawa'y di mapagbigyan.
Kapanglawan ngayo'y nababatid,
lumuluha ring naghihinagpis.
Ngunit hindi kuna ipipilit
marinig sa bibig na naumid
salitang di mo kayang masambit
iyong-iyo na pagkat di na nais.
Image Source : Google