Lubha akong humanga sa nilikha ni
, isang parirala na may nakatagong mensahe. Ngunit ito ay kaniyang isinulat sa wikang Ingles. Kaya naman sinubukan ko din lumikha ng katulad ng sa kanya, pero sa wikang Filipino naman. Napakahusay ng kanyang ideya at talagang ako'y napabilib. Nawa'y maibigan ninyo ang aking gawa. At mahulaan din ang nakatagong mensahe.
mula sa
Kahit na anong mangyari, huwag kang aamin!
Umaagos ang luha sa mga pulang mata. Mata na hindi tumitigil sa pagtangis. Pagtangis na nagdudulot ng kalbaryo para sa mga naulila. AMEN.
Gayunpaman, masisilayan din muli ang liwanag. Liwanag na magdadala ng pag-asa at determinasyon para sa naiwan. Liwanag na nakasisilaw ang kaputian. Tagpuan sa pagitan ng buwan at araw kung saan sumisilip ang liwanag. AMEN.
At sa langit na bughaw, ang liwanag ay muling sisikat. Sisikat nang walang sidhi. Lahat ng taong masisikatan ay pagpapalain. AMEN.
Kabilang na rito ang lahing kayumanggi. Bangkay nila ay muling bubuhayin. Lahi nila ay muling lilingapin. Upang pagpapala ng lumikha ay malugod nilang sasapitin. AMEN.
Upang ang paghihirap ay hindi na danasin. Upang ang pagkakabuklod ay maging magandang simulain. At upang sa hinaharap, maabot ang kanilang mithiin. Sa biyaya ng maykapal, sila ay papalarin. AMEN.
Kanyang winika, "At sa luntian ko na paraiso, makakamtan ninyo ang buhay na walang hanggan. Walang sakit, paghihirap at kalungkutan. Walang maliw na kaligayahan ang sa inyo ay nakaabang." AMEN.
"Talikdan ninyo lamang ang inyong mga kasalanan. Huwag kayong mamuhay sa karangyaan at kapangyarihan. Palaging mananaig ang kabutihan laban sa kasamaan. Walang mabuting maidudulot ang pagsamba sa kadiliman. Pagkat ang pagkagahaman sa kapangyarihang itim, sa aking Paraiso ay hindi tatanggapin." AMEN.
"Lahat ng biyaya sa lupa, tanggapin ninyo at lasapin. Dahil kayo na aking mga Anak ang nararapat magtamasa ng aking pagkalinga. Ang mga isda't hayop, puno't halaman, kapatagan at kabundukan. Ang simoy ng hangin, sikat ng araw, patak ng ulan, at ang kalikasan. Ang mga bituin sa langit, ang buwan, at ang malawak na kalangitang kulay asul. Ilog, dagat, talon at batis, ang agos ng tubig mula dito ay walang hanggang dadaloy. Dadaloy nang walang hanggan, katulad ng pagmamahal ko sa inyo, aking mga Anak." AMEN.
mula sa
Ito ang nasambit ni Father Rey Pisca sa kanyang huling misa. Ang kanyang huling misa bago niya isagawa ang eksorsismo kay Emily. Lingid sa kaalaman ng pari, mayroong nakapaloob na mensahe mula sa kanyang homily. Sinadya ba ito ng pari o mayroong hindi maipaliwanag na kababalaghan na kumokontrol sa kanyang pananalita habang nagmimisa? Hanapin ang nakapaloob na mensahe dito.
Panandalian lamang ang kalungkutan. Sa bawat pag-ulan ay may bahaghari na masisilayan. At ito ang nagsisilbing patunay na palaging may pag-asa. Kung ang bahaghari ay matatagpuan pagkatapos ng ulan, pagkatapos naman ng makikita sa bahaghari ay ang kasagutan.