Kaya pa ba? Mga balita sa paligid tungkol sa walang kamatayang sakit, parang hindi ko na alam kung paano na. Kaya sa isang saglit, makinig muna tayo at sumabay sa awit na aking ibabahagi ngayon.
Gusto kong bumati sayo kahit sa paraan ng pagsusulat. Gusto kong ibahagi sa iyo ang isang awit na puno ng inspirasyon. Ito ay may titulong "brave". Matapang, katapangan.
Ngayon araw pala, may narinig akong balita mula sa isang kaibigan. Bagay na siyang napag-usapan namin pagkatapos namin kumain ng tanghalian. Naibahagi niya sa amin na may kaibigan siyang inilibing sa araw na ito at hindi siya nakahatid. Isang kaibigan na nagbigti dahil sa hindi kinaya ang mga problema. Hindi ko kilala ang nasabi niyang kaibigan ngunit dama ko ang lungkot niya sa nangyayari. Isang inang nang-iiwan ng dalawang anak at asawa. Isang ina na sumuko sa laban at gumawa ng isang bagay na nakakalibot, ang kitlin ang sarili. Kaya ako ay nagtanong sa sarili kung gaano ba kabigat ang kanyang problema. Pilit ko iniintindi ang mga dahilan niya. Kung ikukumpara sa aking pasan, siguro nga mas mabigat ang sa kanya. Hindi ako makahusga dahil wala akong karapatan. Kahit ako ay hindi imyon sa problema. Maaaring ang kanya ay sa tingin nya wala ng ibang solusyon kundi ang paglaho at pagkawala dito sa mundo. Minsan, may panahon na sumagi iyan sa aking isip. Ang pagkatunaw at paglisan upang lahat ng bigat ay mawala ngunit mas malakas ang aking gustong mabuhay. Mabuhay dahil sa mga buhay na pinanghuhugatan ng lakas. Higit sa lahat ang takot sa Diyos sa siyang Maylikha. Hindi ko siya huhusgahan bagkos aking gawing aral sa araw na ito. Unang reaksyon na nasabi ko, nasabi ko na siya ay naging makasarili. Bakit? Dahil may mga anak siyang higit na nangangailangan sa kanyang aruga. Paano? Paano na mabuhay ang mga iniwan niya. Ako ay tumugil sa kakaisip at sa pagtatanong at pilit kong iniintindi ang mga nangyari. Ako ay wala sa posisyong sabihin ang mga salitang iyon. Kaya, ititikom ko ang aking bibig at sabay ipanalangin ang kanyang kaluluwa. Sana ay patawarin siya ng Diyos sa kanyang nagawa sa sariling buhay.
Matapang. Paano ba maging matapang? Masasabi ba natin na ay isang taong sumusuko ay naduduwag. Ang mga sugat ba niya ay hindi maghilom hilom kaya hindi naging piklat? Kung ang mga sugat ay kay hapdi at patuloy ang pagdurugo paano natin masasabi na ito ay aral kung hindi titigil ang agos ng luha kahit ilang punas ang iyong gawin. Kung ikaw ay nasa kulungan na napakadilim, papaano aninagin ang liwanag. Mga kaibigan, mga mahal sa buhay na tila walang pakiramdam. O siguro, ikaw ay naging bulag at bingi na rin sa mga ipinapakita nila para sayo.
Katapangan, paano nga ba maging matapang sa gitna nang bagyo? Kung ang unos ay parang walang awang winasiwas ang tanging bubong na iyong pinagsisilungan? Marami sa atin dumaranas nito. Literal. Kaya masasabi ko, ikaw ay matapang kung manatili kang buhay. Oo, buhay. Humihinga. Matino ang isip. Puso man ay durog.
Kung ang sugat ay hindi maghilom sa ngayon, subukan mong mabuhay kasama ang sugat. Kaibiganin ang sakit. Kung ang bagyo ay patuloy sa paghampas, kung kailangang tumakbo, lumangoy, gawin mo. Suungin ang ragasa ng hangin. Hayaan magsawa ang dilubyo sa iyo. Titila at hihinto rin ito. Maniwala ka.Kaya lalaban tayo, babangon. Walang sukuan.
Source:
by Fearless Souls Music
Namumuhay na hanap ang balanse
At ako'y tatayo sa anumang hamon
Kung kinakailangan
Dahil lahat ng kailangan ay andito,
Andito sa aking loob
Mga nakaraan, hindi naging kahulugan
Nang bumukas ang isipan
Pinapatawad ang mga kamalian
Namumuhay sa katotohanan
Iyan ay aking pinili
Damhin ang takot, gawin mo kahit pa
Kaya mong ilipat ang bundok
Huwag na huwag mag-alinlangan
Gawin ang mga bagay na higit kinatatakutan
Lahat ng piklat ay aral
Pinag-aaralan paano maging matapang
Hindi mali mabuhay ng maingay at bukas
Nakatayong matinag at hindi aayaw
Kung kinakailangan
Problema man ay dumadami
Hindi kalimutan ang ngumiti
Kumikinang tiwala sa sarili
Maliwang pa sa kidlat
Nang bumukas ang isipan
Pinapatawad ang mga kamalian
Namumuhay sa katotohanan
Iyan ay aking pinili
Damhin ang takot, gawin mo kahit pa
Kaya mong ilipat ang bundok
Huwag na huwag mag-alinlangan
Gawin ang mga bagay na higit kinatatakutan
Lahat ng piklat ay aral
Pinag-aaralan paano maging matapang
Ikaw ay hindi matitinag
Matibay na nakatayo
Kung mga bagay ay humahampas
Ikaw ay nakahanda
At ikaw ay maging mabuti sa huli
Lahat ng Piklat ay aral, matutong maging matapang.
Yan muna sa ngayon, at sana nay nagbibigay sayo ito ng inspirasyon. Sabayan mo ang kanta para iyong madama. Ako pala ay humihikayat sa inyo upang magsulat sa sariling wika at bilang pagsuporta sa tagalogtrail ng . Sabay nating guluhin ang pahin ng #tagalogtrail.
Paalam sa ngayon. Bukas ulit.😊