Photo by Lasse Møller on Unsplash.
Ako'y palaging kinakabahan tuwing sasapit na ang dilim. Hindi ko mawari kung ano ang aking mararamdaman sapagkat iba't ibang kaisipan ang pumapasok sa aking munting isipan. Ikaw ba, naranasan mo na rin ito? Panigurado naranasan mo na ito. Kagaya nalang nung mga araw na akala mo kayo na talaga kasi sobrang makulay ang iyong mundo pag kasama mo siya ngunit sa kinalauan, iyong mundong makulay ay unti-unting nagdilim hanggang sa isinilid mo nalang ang iyong sarili sa isang kwadradong kahon upang maisawan ang mga tanong na, kung ano ba ang nangyari? Bakit nagkaganun? Ano ba ang mali?
Yan ang mga tanong na pinipilit mong iwasan sapagkat hindi mo rin mawari kung ano ba talaga ang tunay na dahilan bakit naglaho na ang bahaghari na nagdudugtong sa inyong dalawa. Teka nga bakit ang drama, pero panigurado at alam mo sa kailaliman ng iyong pagkatao, na sinapit mo na ang ganiyang senaryo.
Tayo na at magpatuloy upang talakayin ang mga kwento sa dilim. Wala palang tayo o kayo haha.
Madilim at masukal na daan.
Dito sa probinsiya, kung pasukalan lang naman ng mga daan ang pinag-uusapan ay hindi na magpapahuli ang aming lugar. Kagaya na lamang dito sa aming lokasyon na kung saan isang kilometro pa papasok mula sa highway. Naglalakihang mga puno ang nakatindig sa gilid na animo'y gagalaw nalang bigla at ika'y ilalambitin sa mga naglalakihan nitong mga sanga.
Naranasan ko ng tahakin ito, halos hindi ko maaninag ang daan sapagkat ang buwan ay nahihiyang sumilip mula sa makakapal na ulap. Ilaw lang ng aking cellphone ang nagsisilbing liwanag sa mga oras na iyon. Sa oras ng aking pagtahak, kada hakbang ko'y mapalalingon ako sa aking likuran sapagkat aking nararamdaman at sumasagi sa aking isipan na anumang oras ay may lilitaw nalang bigla at yayakapin ako patakalikod sabay takip sa aking mga bibig upang hindi makahiyaw.
O di naman kaya'y may sadako o mamaw na lilitaw nalang bigla tas gagawin ang nais sa akin.
Sa kabila ng mga kaisipan na iyan ay ligtas naman akong nakauwi sa aming tahanan na kumpleto ang mga parte ng aking katawan. Pero hindi ko ikakaila na naligo ako sa pawis haha. Kasi naman ang aking lakad ay hindi yung sa normal sapagkat doble sa normal na hakbang.
Hindi mo ako masisisi kung ganiyan ang aking pag-iisip sapagkat simula pa nung bata ako ay naririnig ko na ang mga kwento ng kababalaghan, lalo na dito sa probinsiya. Tulad na lamang ng mga aswang na sabi nila'y paboritong biktimahin ang mga buntis kaya doble ingat ang mga buntis dito. O di naman kaya'y manananggal na sa pagsapit ng gabi'y naihihiwalay nito ang kalahati ng kaniyang katawan.
O di naman kaya'y kapre na mayroong hinihithit na malaking sigarilyo sa itaas ng matayog na puno. Sabi-sabi'y paborito nitong kaibiganin ang mga dalaga kaya naman hindi ko kinakatakot na baka ako'y kausapin at itanan haha.
Sa Isang Sulok.
Sa isang milagro tayo'y nabuo at nagkatawang tao. Tayo'y natutong magsalita,maglakad, kumain at sa paglipas ng panahon ating natutunan at naramdaman ang bagay na kung tawagin nating emosyon. Kung meron ka nito, binabati kita dahil isa kang tao. Kung wala ka naman nito ay okay lang, walang problema dun, kasi baka sa paglipas ng panahon ito ay naglaho na o naging bato na ang iyong pakiramdam sa kadahilanang ika'y pagod na.
Natanong mo na ba sa iyong sarili kung kaya pa ba niya? Kumakapit pa ba siya? Naniniwala pa ba siya sa salitang pag-asa? Natanong ko na ito sa aking sarili, sa katotohanan ito'y madalas. Hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili sapagkat pag tumitingin ako sa salamin, aking nasisilayan ang isang binata na para bang pasan-pasan ang bigat ng mundo.
Napapansin ko rin sa kaniyang noo ang mga namumuong kulubot. Kaniyang katawan din ay namayat na sa patuloy na pag-iisip kung hanggang kailan siya magtitiis. Sa kabila ng kaniyang edad ay madami na siyang responsibilidad. Hindi man ito sinasabi sa kaniya ngunit kailangan niyang gawin sapagkat wala namang magtatangkang akuhin.
Sa gabi, sa isang sulok ng kaniyang kwarto, habang ang oras ay patuloy na lumalalim, lumalalim din ang naiisip ng binata. Habang nakikinig sa mga musika o di naman kaya'y nagbabasa ng isang artikulo, hindi niya maiwasang isipin ang mga bagay-bagay sa kaniyang buhay.
Kinalaunan ay bumagsak na ang malakas na ulan kasabay naman nitong bumagsak ang mga luha ng di niya namamalayan. Hindi na ito naririnig ng kaniyang mga katabi dahil sa ingay na dulot ng ulan.
Oh kay bigat ng kaniyang pakiramdam. Kay pait ng mundong kaniyang ginagalawan. Sa kabila ng kaniyang mga iniisip ay may isang boses sa kaniyang kaloob-looban na pilit sumisigaw ng "kaya mo yan, malalagpasan mo din yan, basta magpatuloy ka lang."
Mga salitang kaniyang pinanghahawakan upang ipagpatuloy ang laban na nasimulan.
Magandang gabi sa iyo kaibigan. Salamat sa pagbabasa.