(Edited on Canva)
"What Value Can Filipinos Bring on Hive?"
Ito yung katanungan ng patimpalak bilang bahagi ng pag diriwang ng "Buwan ng Wika". Inaanyayahan ang bawat Pilipino na sumali at makibahagi sa naiibang patimpalak na ito kung saan hinihikayat na gumamit ng salitang tagalog ang mga lalahok. Isang hamon sa mga manunulat na Pilipino na kagaya ko na laging gumagamit ng salitang Inglish sa pagsusulat. Pero ang pag gamit ng salitang tagalog ay isa lamang sa mga patakaran ng patimpalak na ito. Ang binibigyang halaga talaga nito'y ang pag tugon sa katanungang, "Anong katangian ng mga Pilipino ang maibabahagi mo sa Hive?"
PALAKAIBIGAN
Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging palakaibigan. Saan mang dako ng mundo, ang Pinoy ay hindi kayang hindi makipagkapwa tao. Maging dito man sa Hive, kahit pa sa pagsusulat lamang, mararamdaman mo na mahilig makipagkaibigan ang isang Pinoy.
POSITIBO AT MASIYAHIN
Sabi ng ilan, masiyahin daw ang mga Pilipino at may positibong pananaw sa buhay. Saan ka ba nakakakita ng binagyo na, nilindol, at anu anu pang sakuna pero ang ngiti sa labi ay hindi maipagkakait ng isang Pinoy. Kayang pagaanin ng isang Pilipino ang isang sitwasyon na di kaaya aya. Gamit lamang ay mga salitang sinusulat, kaya ng pinoy yan.
MATULUNGIN(HELPFUL)
Ang pagtulong sa kapwa ay likas sa ating mga Pilipino. Ilang beses ko na rin itong naranasan at napatunayan maging dito sa Hive. Sa tuwing may sakuna o kalamidad, ang mga Pinoy dito sa Hive ay nag tutulungan. At marami rin rito ang natulongan kahit pa mandin hindi miyembro ng komunidad na ito, tulad ng mga kapitbahay. Isa ako sa makapagpapatunay nun dahil isa rin ako sa natulungan. (Na tanging si lang ang nakakaalam.)
MAPAGMAHAL SA PAMILYA
Kaya natin ipagmalaki sa buong mundo na tayong mga Pilipino ay sobra magmahal sa ating pamilya. Kaya natin magsakripisyo para sa kanila. Lahat gagawin para sa ikabubuti nila.
Oo nga't may mga pamilyang di buo, alam ko yun at marami na nga ang ganun. Pero tingin nyo ba yung mga anak ng mga pamilyang yun, di naghahangad ng kumpletong pamilya? O kaya, pinapangarap na kapag sya'y magkapamilya, gagawin nya lahat para may pamilya syang buo dahil naranasan niya bilang anak kung gaanu kasakit na di niya kapiling yung nanay o tatay niya. Sa kaloob looban ng bawat Pinoy, pamilya ang kanyang sandigan at ang kanyang kalakasan.
Pero pamilya rin ang turing natin sa mga malalapit nating kaibigan. Hindi man tayu magkakapatid sa dugo, pero alam kong maging ang HivePh ay pwede mong matawag na iyong pamilya. Sa oras ng iyong kagipitan, ng problema, ng kasiyahan, andyan ang HivePh na pwede mong maaasahan. At alam yan ng mga taong laging nasa HivePh discord. Ang hinihingi lang
naman ng iyong kapatiran, ay iyong oras at kunting partisipasyon. Ito ay upang ikaw rin ay kanilang makilala ng masinsinan.
Alam kong bawat tao ay may mga negatibong katangian, at kasama na rin naman ang mga Pinoy dun. Pero sa pagkakataong ito, nais ko lamang ipahayag ang mga natatanging positibong pagkakakilanlan ng mga Pilipino sa kadahilanang...gusto ko lamang. 😜
Sana'y nasagot ko ng maayos ang katanungan sa linggong ito, at inaanyayahan pa ang iba na lumahok na rin. 🥰