isa dalawa tatlo…
teka, anim, pito walo.
mabibilang kaya ang numero
sa ating nakaraang kwento?
sinamahan mo ako
sa buhay na na akala ko…
hindi na magiging maayos pa,
hindi na muling sasaya.
pero ikaw, ikaw iyong dumating,
parang bituin, sa kalangitan nagniningning.
ang mga salitang sinasabing…
‘nandito lang ako, at ika’y aking diringgin’
Ikaw iyong laging nadiyan,
hindi ako iniwan kailanman.
ikaw iyong aking sinasabihan,
salitang di sinabi ninuman.
sa ’yo lang naman naramdaman ito
tuwa, lungkot, at iba pang emosyon!
ibat-ibang pakiramdam pero alam mo?
sa ’yo lang naman tumibok ang puso.
ngunit…
akala ko ayos na tayo
inasahan kong pag-ibig na ito
ay patuloy hanggang dulo.
pero hindi, hindi pala mabubuo
ang ating mga kwento.
isusulat na lang kaya sa libro?
pero paano,
kung hindi naman tayo
umabot
hanggang dulo?
kwento nati’y aking itatala pa rin.
sisimulan ko ito noong ako’y ibigin,
noong ako’y iyong mahalin,
hanggang sa ika’y aking mapansin.
pag-ibig mang ito
ay di umabot hanggang dulo.
sa huling pahina ng ating kwento…
isusulat, aasahan at ipapanalangin kong…
hindi pa dito nagwawakas ang ating kwento.
dahil ang pahinang walang tayo
hanggang dulo,
ay hindi mabubuong libro.
~Pahina