Bakit nga ba nahihirapan akong magsulat muli?
Baka sanay lang na ang mga letrang
bumubuo sa mga piyesa ko ay yaong mga letra
ng pangalan ng mga taong dumaan na,
mga taong dumaan lang pala
mga taong hindi na babalik pa
mga taong hindi ko na babalikan pa
Baka sanay lang na ang mga salitang nasusulat
ay sumasalamin sa hikbi,
sa pait,
sa dalamhati
sa mga kirot,
sa mga kung anu-anong sakit
na nadama ko nung tumalikod silang lahat
nung kahit anong hawak ko ay pumiglas sila't
humakbang
isa
dalawa
humakbang palayo sa mga bisig ko
Baka sanay lang na may luhang
dumadaloy sa aking mga mata
mga luhang tumatagos
sa bawat pahinang nasulatan na
Baka sanay lang sa dilim
yaong karamay
sa bawat sandaling nagsusulat ako
yung kasama ko nung naisulat kita
nung pinilit kitang inilarawan
nung pinilit kitang likhain
nung pinilit kitang itagpi-tagpi
gamit ang mga natitira mong imahe
Baka sanay lang na kailangang maiwan
kailangang mawasak
kailangang gumuho ang mundo
para may maisulat sa mga nalalabing pahinang
itinira ko sana para sa sarili ko
Pero, matagal ng sumikat ang araw at
Ang kalangitan ay bumubulong ng walang hanggang pangakong
kailanman ay hindi na raw ako muling mag-iisa
Ang simoy ng hangin sa bawat umagang dumarating ay may dalang himig
na nagpapaalala na ako'y buhay na,
na ako'y buhay na buhay pa
Ang paglipas ng mga sandali
ang paglubog ng haring araw
ang pagsikat ng buwan
ay tanda ng pag-asa
ng kapayapaan
ng lakas
ng pag-ibig
Baka, kagaya mo ay nasanay lang din ako
Nasanay sa dilim
Nasanay sa sakit
Nasanay sa pag-iisa
Nasanay na ang bawat piyesa ay umiikot lang sa kaniya, sa kanila
Heto at magsusulat na ako ulit
Isusulat ko ang liwanag
Isusulat ko ang aking mga panalangin
Isusulat ko ang aking mga parangap
Isusulat kita
Ikaw naman ang isusulat ko
Handa ka na ba?