Hindi ka pelikulang ginawa lamang
upang ipalabas sa buong bansa
Isa kang pelikulang
ako lamang ang lubusang nakakaalam
Sa bawat tagpo't eksena
Kung saang parte ang may saya't ligaya
Kung saang parte ang may sakit at pighati
Hindi kita obra na isasabit lamang
sa may pasukan ng bahay
upang sa tuwing may papasok
ay pagkakaguluhan ka
mamamangha sa'yo, sa angkin mong ganda
Hindi kita isinusulat
upang ilathala sa buong mundo
upang ipaalam sa lahat na sa wakas
may nagmamahal na sa akin
may nagpapahalaga na sa akin
sa wakas, nandyan ka na
Hindi kita minamahal
upang maging isa kang pelikulang aabangan sa sinehan
upang maging isang obrang pagkakaguluhan
isang librong babasahin ng kung sino-sino lamang
Ngunit kung iyong mamarapatin
ay ipapasilip kita
At kung ipapasilip man kita
kung ipapakita ko man ang iyong ganda
at ang saya't pag-asang iyong dala-dala
Ipapasilip kita sa iilan lamang
sa mga taong nararapat lamang
sa mga taong sabik lamang na masilayan
kung sinong nasa likod ng mga bagong kislap sa aking mga mata,
kung sinong nasa likod ng mga mapayapang ngiti ng aking mga labi
At sa pagsapit ng gabi
Ititiklop kita
Itatago kung saan ako lamang ang nakakaalam
Di ko ihahayag sa mundo
Di ko hahayaang masilayan ka
kahit ang anino mo pa
Ititiklop kita
Ilalagay kita kung saan pinakamalapit ka sa puso ko
Para madama mo ang bawat tibok ng puso ko
At ang bawat tibok nito sana ay
magpapaalala sa'yo na
minamahal kita dahil mahal kita
minamahal kita dahil mahal kita
minamahal kita dahil mahal kita
at mamahalin kita dahil mahal kita
[Isinulat para kay GB, 2018]