Huwebes, tanghali na nang buksan ni Kardo ang kaniyang kainan. Dapat alas siyete ng umaga siya ay nakapaghanda na ng pananghalian para sa kaniyang mga parokyano ngunit ito ay hindi niya nagawa dahil sa iang munting aberya na nangyari noong nakaraang gabi.
Maraming parokyano ang kumakain sa kaniyang lugar, bagama't masikip at makipot ang eskenita na kanyang pinagtitindahan hindi siya nag-iisip umalis dito. Pamana ito nang kaniyang lolo at laging binabanggit na ugaliing maging magiliw sa mga taga tangkilik ng kaniyang luto.
Sa totoo lang, hindi masarap ang kaniyang pagkain. Madalas ay sala sa timpla ang lutuin, ang asin ay nagiging asukal, minsan ay vetsin .Kung tatanungin mo kung ano ang pinag-iba nang mechado, afritada, menudo at pochero sasabihin nya lang sa iyo ay depende sa araw at napili niyang karatula ng ulam nang araw na iyon.
Photo by Streets of Food on Unsplash
Pero ano ang sikreto at bakit binabalikan parin siya ng kaniyang mga parokyano?
Dahil nakakatuwa ang pagkatao ni Kardo, kahit kailan ay hindi mo siya makikita na nagagalit at siya laging handang makinig sa mga problema ng ibang tao. Sabihin na nating isa itong munting klinika at si Kardo ay isang Sikologo. Oo tapos siya sa kursong ito ay mayroon din siyang lisensya, ngunit dahil sa kailangan may tumao sa karinderya hindi siya makapag-umpisa.
Photo by Gaurav Bagdi on Unsplash
Nitong mga nakaraang araw, isa sa kaniyang parokyano na itago nalang natin sa pangalang Marie ay lubhang nawiwili sa pagkain ng pares at mami sa kaniyang puwesto.
Lagi niyang sinasabi na buti nalang at mabait ang binata dahil sa lagi siyang nakaka libre ng sabaw sa tuwing siya ay oorder.Hindi lang alam ng matanda na libre naman talaga ang sabaw sa kahit anong kainan Kung hindi raw siya ganoon ay matagal na siyang kinulam nito dahil sa lasa ng kaniyang pagkain. Sikat daw siyang mambabarang mula sa Siquijor at gamit ang kaniyang mahika, kaya niyang magpalabas ng santelmo na pwedeng sumunog sa buong gusali. May kliyente lang daw siya ngayon na isang mayaman na businessman kaya siya ay nasa Maynila.
Nay Marie, gutom lang iyan. Ito ang isa pang mangkok ng mainit na sabaw wika ng binata habang inaabot ang bagong hangong sabaw ng pares sa matanda.
Nagmomostra pa siya at nagsasabi ng mga salitang Latin para mas magmukhang kapani-paniwala.
Schizophrenia, mukhang malala na ang delusyon ni nay, mukhang kailangan ko na siya ireto sa Mandaluyong. Sinabi niya sa sarili, ngunit may agam-agam parin ng bahagya dahil sa hindi pa naman nananakit ang matanda. Panay delusyonal na kwento lamang at alam niya na hindi ito totoo. Ngunit sadyang mabait si Kardo, nakikinig siya ng mabuti at tumatanggo pag tinatanong.
Hanggang isang Miyerkules, habang nag hahanda na siyang magsara ng kaniyang karinderya, isang lalaki ang pumasok sa loob ng karinderya. Naka bonnet at may hawak na patalim.
Ilabas mo na ang pera na kinita mo, kung hindi gri-gripuhan kita sa gilid sabi ng lalaki.
Pumapatak ang pawis, sinubukan ni Kardo na kumalma at kausapin ang mandarambong ngunit walang lumalabas sa kaniyang bibig. Takot ang bumalot sa kaniyang buong pagkatao, maari siyang mamatay sa isang maling galaw. Nakatusok na ang kutsilyo sa kaniyang tiyan. Bagama't medyo may katabaan, sadyang matulis ang kutsilyo na ginamit ramdam niya na unti-unti itong bumabaon at ang kaniyang taba ay walang nagagawa.
Binuksan niya ang kaha kung saan naroroon ang pera na naipon nang araw na yaon. Hindi na niya nabilang at nilimas ng kawatan. Bago umalis ang salarin, isang malakas na suntok ang kaniyang pinakawalan sa sikmura ni Kardo ngunit hindi ito naging ganoon ka epektibo.
Sinubukan na kumaripas ng takbo para tumakas, humingi ng tulong si Kardo ngunit walang tao sa paligid maliban sa matandang si Nay Marie. Sumigaw ang binata at sinabihan ang matanda na umiwas sa lalaki dahil ito ay may hawak na patalim ngunit hindi yata ito narinig.
Gumitna si Nay Marie sa kalsada, sumambit ng mga salitang Latin at si Kardo ay napa hawak nalang sa noo dahil sa katigasan ng ulo. Sa kaniyang pag-iling, laking gulat niya na isang malaking bolang apoy ang nasa harap na ng matanda. Pagkatapos niya magsabi ng mga salitang tanging siya lamang ang nakakintindi, lumipad ang apoy patungo sa kawatan.
Nagliyab ang kaniyang katawan at unti-unti siyang nilalamon ng apoy. Humingi siya ng saklolo, ngunit isang halakhak lamang ang kaniyang narinig. Dasurv! Wika ng matanda. Hindi na inisip ni Kardo ang sinabi ng matanda na feeling Gen-Z ang naging focus nya ay ang pera na tinakbo. Oo nasunog din ang pera, unti-unti ring kumalat ang apoy sa lugar dahil masikip ang kalsada at isa-isang natupok ang mga establishimiyento.
Photo by Dave Hoefler on Unsplash
Habang nasusunog ang lahat, lumapit ang matanda sa binata at sinabing.
Anak wag ka na magpasalamat, tinulungan kita dahil sa isa kang mabuting bata
At matapos niya itong bigkasin, bigla nalang siya nawala ng parang bula.
Wala lang gusto ko lang magkwento minsan. Kung nabasa mo hanggang dulo edi good job.