Photo by Scott Graham on Unsplash
Mahal kong Ana,
Alam ko na ikaw ay nagugulumihanan sa iyong natanggap na liham mula sa akin. Ako man din ay hindi makapaniwala na ito ay aking gagawin ngunit sabi nga nang iba ay kailangan kong bigyan nang pagtatapos na ang ating relasyon.
Hindi ikaw ang may sala kungdi ako. Mas pinili kong iwan ka dahil sa aking mga nakita kaysa magpakatatag sa kung ano ang mayroon tayo.
Tandang-tanda ko pa noong una kong nasilayan ang iyong ganda sa isang pahayagan.
Dito inilalarawan ang iyong husay sa pag ganap sa ibat-ibang karakter na ibinigay sa iyo ng direktor. Papasikat ka na bituin nang mga panahon na yaon at sigurado akong mas rarami pa ang iyong manliligaw. Isa ako sa mga nagpadala ng bulaklak sa iyong tahanan, rosas na kulay pula na may mga katagang "Galingan mo pa at ako ay laging naka subaybay!"
Tuwang-tuwa mong kinuha ang mga bulaklak at pumasok sa iyong bahay. Ngunit nang sumapit na ang gabi, sa madilim na parte nang iyong bahay nakita ko na nakatambak na ang bulaklak sa inyong basurahan. Labis akong nasaktan, ngunit di ko ito masyado dinamdam.
Hindi lamang iyon, sa isang kalsada sa may Ermita, ikaw ay aking muling nasilayan. Nag-aabot ng barya sa isang hamak na batang lansangan. Inggit ang dumaloy sa aking pagkatao sa mga panahong iyon. Inggit sa musmos na naranasang makadaupang palad ikaw.
Ang iyong mga kamay na palaging napapaliguan ng losyon sa kung saan man magtungo. Harinawa'y ako nalang ang batang iyon. Nasabi ko sa aking sarili na napaka busilak ng iyong puso.
Kamusta na nga pala si Chloe? Ang aso na iyong iniligtas sa kaniyang abusadong amo? Hanggang-hangga talaga ako sa iyo nang nakita ko na nag kumento ka sa isang lathala sa Facebook na ni-nanais mong ampunin ng tuta na kanilang sinaklolohan. Hindi lamang sa tao ngunit pati narin sa sangkahayupan ikaw ay may busilak na kalooban.
Araw-araw kong sinisilip ang iyong mga akawnt sa Facebook, Instagram at Twitter at nakikita ko na masaya ka. Hindi ko na nakita si Chloe sa iyong mga akawnt makalipas ang isang linggo, sinilip ko ang inyong bahay ngunit wala na siya doon. Nagtanong ako sa mga kapitbahay at sinabi nilang walang aso na nandoon kahit kailan Aktibo sa pakikipag talastasan mapa taga-hanga man iyan o hindi.
Ngunit, isang araw sa aking pagsunod sa iyo isang bagay ang di ko matanggap. Ilang araw ko ito kinimkim at piniling huwag kang kausapin dahil sa aking pagkabigla. Ang iyong ipinapakita ay pawang balatkayo lamang. Hindi ikaw ang kilala kong Ana. Na sa likod nang maamong mukha at mabuting mga gawa nagtatago pala ang isang bruha.
Kaya ngayon bagamat masakit sa akin na makipaghiwalay ito ay akin nang gagawin. Pinalalaya na kita dahil mayroon na akong nakitang iba.
Nagmamahal,
Juan