Sa loob ng 365 na mga araw sa isang taon, mabibilang lamang ang mga holidays sa Pilipinas. Noong bata pa ako, ito ang panahon upang gumala, makipagkita sa mga makukulit at kasing iingay na mga pinsan, at bumisita kayna lolo at lola.
Ngunit sa aking paglaki, tila nababawasan ang aking kagustuhan lumabas ng bahay. Maaring dahil nadiskobre ko na ako’y isang introvert o taong mas nakakakuha nang enerhiya kapag mag-isa o iilan lang ang kasama, o kaya naman napansin ko na nag-iiba rin ang hugis at kulay nang apat na sulok ng aking tahanan.
Ano ba itong tahanan na tinutukoy ko? Hindi siya madaling ipinta sa isipan. Hindi ito ang bahay kung saan ako lumaki o kung saan naroroon ang aking mga magulang. Ito ang bahay na nabuo ko sa aking loob, aking kaluluwa o espiritu.
Ang #teambahay para sa akin ay "makakapag-intay ang mundo pero ang relasyon ko sa aking sarili ay kailangan ko nang pagtuunan ng pansin ngayon.
Maaring may bagong tourist spot, bagong hot place, isang bansa pang mas maganda dyan... pero ramdam ko naman hindi ako "buo", uuwi pa rin akong parang may kulang.
Tok! Tok! Tok!
Hello, Kaluluwa ni Ish? May tao ba?
Noong una, mukha itong parang haunted house, maraming mga anino na nagmamasid, mga boses na masama ang sinasabi, madilim, at malamig ang hangin. Sino ba ang gustong umuwi sa kanilang sarili kung nakakatakot pa man din?
Ngunit linakasan ko ang aking loob – pumasok ako nang may lamparang tatawagin nating "pag-asa." Aasa ako na may bahay na mabubuo sa mga sirang kahoy at butas na sahig. Gamit ang liwanag sa puso ko, susubukan ko muling ipundar ang munting bahay ko para sa akin.
Kaya naman lumipat ako sa isang apartment unit na rinerentahan ko mula noong 2021 pa. Dito na nagsimula ang pagiging #teambahay ko, literal na sa bahay lang, pati at home with myself. Ang dami pa lang pwedeng gawin sa espasyo na alam mong iyo. Malaya kang magkalat, mag-ingay, maglatag nang mattress sa sahig!
Ika nga, ang paghilom ay nagsisimula sa kagaanan ng loob. Kapag walang panganib at ikaw ay ligtas sa pahamak ng iba, maari mo nang buksan ang iyong sarili sa tunay mong nararamdaman nang walang panghuhusga. Sa loob ko, sa aking kaluluwa, natutunan ko na ang bakasyon ay kung nasaan ako. Ang kaginhawaan ng isipan ang tunay na marka ng bakasyon.
At laging may bago kang pwedeng gawin sa bahay – magpinta, magdrawing, magbasa, manuod ng pelikula – kaya parang nagbakasyon na rin ako. Syempre, paminsan minsan ay lalabas din tulad nang pagpunta naming sa Mountain Rock Resort nitong Lunes.
Salamat sa pagbasa!
That was my first entry sa Tagalog Trail ni at hindi nawawala yung clickbait-y title natin. Hahaha! Ang saya pala magsulat in tagalog, nakakamiss din 💜