Hanggang ngayon ay masasabi ko na hindi ako ganoon parin kalaboy kaya't limitado lamang ang aking lugar na napuntahan.
Masarap mag biyahe, ngunit ang kalakip nitong oras na paglalakbay ay hindi. Isa sa mga hindi ko malilimutang biyahe ay ang pagpunta ko sa bayan nang aking ina taong 2011 para sa reunion ng pamilya.
Hindi pa ganoon ka-uso ang mga cellphone na may camera, mayroon nang digicam pero sobrang panget pa ng kalidad ng larawan at wala din naman akong hilig na kumuha nang larawan.
Ito ang likod bahay namin sa Bicol, oo may sarili kaming falls, di pa uso ang mga whitening-whitening noon kaya't madilim talaga tayo besh
Pagkatapos nang aking trabaho sa opisina sa Pasay, ay dali-dali na akong sumakay nang jeep patungo sa terminal ng probinsya. Sabado de Gloria ng umaga kakaunti nalang ang bus dahil narin sa ang lahat halos ay nagsi-uwian na sa probinsya. Matagal-tagal ang aking paghihintay at nag text nadin ako sa aking nanay kung ano ang biyahe na pwede kong sakyan para makarating sa Bicol. ( Mas madalas text ang gamit noon at wala pang masyadong cellphone na may data).
Mga bandang alas said mag-aalas siete, nakasakay ako ng ordinary na bus ( killer bus) patungo sa aking destinasyon. Hindi pa ako ganoon ka-sanay sa aircon na bus noong mga panahon na iyon, madalas parin akong mahilo sa biyahe at sa aking takot na baka masuka ay pag malalayong mga biyahe ay mas pinipili ko ang mga open na sasakayan. Pero ngayon juskupo pag di aircon ang masasakyan na bus wag nalang bes.
Ayun na nga, sumakay ako sa pinakadulo nang bus, dahil nasabi sa akin ng nanay na mga walo hanggang sampung oras ang magiging biyahe ko. Naisip ko na matulog, pero hindi kinaya at hindi pala siya kaya. Matigas ang upuan, at sa tabi ko ay mga bayong ng manok na panabong. Mayroon ding mga naninigarilyo sa sasakyan kaya't hindi ko nadin mawari kung ano na ang nangyayari.
Tanghali na dumating kami sa grand terminal ng Lucena, sinabihan kami ng driver ng bus na maaring mag cr, at kumain ng tanghalian dahil wala na kaming bus stop na matitigilan.
Nag take out nalang ako ng Jolibee at sumakay na ulit sa bus. Hindi ko na nagawang magbanyo, dahil di narin nagana ang utak ko. Sabaw na sa magdamag na pagta trabaho at pagbabayhe. Lumipat narin nga pala ako ng kinauupuan at sa may tabi na ako ng driver.
Yakap-yakap ang malaki kong bag, nagtanong ako sa kundoktok kung malapit na ba ako sa Daet, at sinabi niyang mga apat na oras pa siguro. Nagtext nalang ako kay Nanay at sinabi iyon, sinubukan ko ulit ang matulog pero olats parin. Mabilis magpa andar ang bus na tila baý kukunin na ang iyong kaluluwa. Gustuhin mo man matulog, magigising at magigising ka.
Nakarating na ako mga alas sais nang gabi, pagkaligo at pagkabihis agad na ako nakatulog sa banig. Di ko na nakausap ang aking mga pinsan na nandoon ng gabing iyon at nagising na ako nang umaga kinabukasan.
P.S. I picked liquid rewards for my post sa Tagalogtrail para magkaroon ako ng pondo for the upcoming contest etc.