Bago palang mag-umpisa ang pandemya, ay gustong-gusto ko na ang ideya na pwede kang magtrabaho sa iyong bahay lang gamit ang internet. Sa tinagal-tagal ko na bilang call center agent ay kahit papaano ay nangarap ako na balang araw sana ay sa bahay nalang ako magta trabaho dahil pagod na ako bumiyahe at gumising nang sobrang aga.
Ang una kong trabaho bilang ahente ay sa lungsod ng Pasay, isang building sa Mall of Asia na ang pangalan ay Teleperformance. ( dito nanggaling ang tp sa username ko). Ang aking pasok ay alas otso nang gabi, at kailangan nakasakay na ako sa bus pa Buendia nang bandang alas singko y medya ng hapon. Ang uwi ko naman ay alas singko nang umaga at makakarating ako ng bahay siguro mga bandang alas otso na nang umaga sa Biñan. Imagine mag gugugol ka nang maraming oras sa byahe, papunta at pabalik tapos yung pamasahe pa diba?
Dahil bago palang ako nagta trabaho noon, halos kalahati nang aking sahod ay napupunta sa pamasahe at pangkain nadin. Hindi ito matipid, pero walang choice nandun ang trabaho eh. Di pa naman ganon kasikat ang mga call center na pwedeng pasukan.
Ayun na nga, mabalik tayo sa kasalukuyan. Pinalad naman ako na ang kumpanyang pinag tatrabahuhan ko ay nagbigay nang pagkakataon na mag work from home. Nung nag-umpisa ang pandemya, para tuloy-tuloy parin ang serbisyo ay pinadalhan kami ng kumpanya ng desktop at sa huli ay pinalitan ng laptop.
Naging magkatrabaho naman na kami noon ni April, kaya't ang transition sa pagiging work from home na asawa ay hindi na ganun kahirap. Alam niya na kapag nakaharap na ako sa aking laptop ay hindi na ako nagsasalita o kumikibo dahil madalas ay naka focus lang ako sa trabaho.
Dahil sa work from home na set-up, hindi ko nadin kailangan bumiyahe nang mahigit isang oras. Trenta minutos lang bago mag alas otso ay gigising ako, maghilamos, sipilyo tapos almusal at kape ay ayos na. Walang pressure na magbihis araw-araw na pang opisina. ( wala na kasi kasya na pantalon sa akin)
Pero ayun, maliban sa byahe at gastusin mas okay parin ang work from home na set-up. Ang trabaho ko naman ay admin task lang halos at walang masyadong interaksyon sa mga kasamahan kaya hindi ganoon ka required kaming mag-usap usap. Di gaya sa mga normal na call center company na sumasagot nang tawag, madalas ay panay email lang ang aking ginagawa at kung tatawag man ay ako ang nag iinitiate ng tawag para lang maliwanagan sa mga bagay na aking trinatrabaho sa aking counterparts sa US.