Ang Kaluluwa ni Stella
LITERATURANG FILIPINO ENTRY (CONTEST #7)
Ang kwentong ito ay hango sa totoong karanasan ng aking ate na si Joy.
Bata pa lang ay lapitin na si Ate Joy ng kung ano-anong kababalaghan. Madalas siyang nakakakita ng mga multo, aswang, at ligaw na mga kaluluwa. Kinalakihan na niya ang mga iyon at tila nasanay na siya kalaunan. Ang sabi ng iilan ay dahil iyon sa wala siyang piltrum o tinatawag na gutli o linya sa ibabaw ng mga labi. Madalas daw talagang lapitin ng mga engkanto, multo, o maligno kapag ganoon.
Marami ng karanasan ng kababalaghan ang naikuwento ni Ate Joy sa amin at isa na roon ang kaluluwa ng babaeng humihingi ng tulong sa kanya. Sanay na siyang nilalapitan ng mga kaluluwa at binubulungan ng mga pangalan nito sa panaginip niya. Marahil ang gusto ng mga ito’y magpadasal sa kanya sa simbahan, at ganoon na nga ang ginagawa ng ate ko. Nagpapamisa siya sa simbahan para sa mga kaluluwang lumalapit sa kanya dahil gusto niya ring matulungan ang mga ito. Pero kalaunan ay itinigil niya iyon dahil sa nakakatakot na karanasang nangyari sa kanya.
Isang hapon ay pinatutulog ng aking ate ang kanyang anak na noon ay anim na taong gulang pa lamang. Nang makatulog ito ay nagpasya na rin siyang matulog sa tabi ng anak niya.
Sa gitna ng kanyang pagtulog ay bigla na lang niyang naidilat ang kanyang mga mata at bumulagta sa harap niya ang mukha ng isang babae. Pinilit niyang bumalikwas ngunit hindi niya maigalaw ang katawan niya na tila ba binabangungot siya. Labis na takot ang bumalot sa kanya lalo pa’t nilapit nito ang bibig sa tenga niya at paulit-ulit na ibinubulong ang pangalan nito.
“Sige, ipagdadasal ko ang kaluluwa mo, Stella.” Hindi makapagsalita ang ate ko pero kinakausap niya ang kaluluwa sa kanyang isip.
Akala niya’y maglalaho na ito, pero nagulat siya nang bigla siyang napunta sa ibang lugar at ipinakita ni Stella kung paano siya namatay.
Sa isang masukal na damuhan ay pinagtulungang gahasin si Stella ng grupo ng kalalakihan. Iyak siya nang iyak at panay sigaw ng saklolo pero walang nangyari. Matapos siyang gahasain ay sinaksak siya ng ilang beses at nang mabawian siya ng buhay ay iniwan na lang siya ng mga gumahasa sa kanya roon sa damuhan.
Matapos ipakita ni Stella ang nangyari sa kanya ay bigla silang nakabalik sa kwarto at nakahiga pa rin ang ate ko’t hindi makakilos.
“Huwag kang mag-alala, ipagdadarasal ko na sana’y managot ang mga pumatay sa iyo nang maging mapayapa ka na.”
Tila hindi nagustuhan ni Stella ang sinabi ni Ate Joy kaya lumapit ito sa kanya na tila gusto siya nitong saniban.
“Maawa ka! Huwag mong gagawin ‘yan!” napaiyak na lang si ate sa takot.
Lumingon siya sa anak niyang natutulog sa kanyang tabi at lalo siyang naluha.
“Kahit maawa ka na lang sa anak ko. Ang bata niya pa. Kung sasaniban mo man ako, kawawa ang anak ko.”
Tumigil si Stella sa pagpupumilit na saniban siya at saka tumitig sa natutulog niyang anak.
Makaraan ang ilang minuto ay naglaho ang kaluluwa ni Stella at biglang nagising si Ate Joy. Bumangon siya at inilibot ang paningin para hanapin si Stella. Doon niya napagtanto na totoong gising na siya kaya buong higpit niyang niyakap ang kanyang anak.
Kinabukasan ay pumunta siya ng simbahan para magpamisa sa kaluluwa ni Stella. At simula noon, nagpasya si Ate Joy na itigil na ang pagdadasal niya para sa mga kaluluwa dahil sa tuwing ginagawa niya ito’y parami nang parami ang kaluluwang nagpapatulong sa kanya. Bagama’t nais niyang makatulong sa mga ito, takot na siyang baka maulit ang naranasan niya at mas masama pa ang mangyari sa kanya.
Maging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord: Tropa ni Toto