Piraso
LITERATURANG-FILIPINO ENTRY (CONTEST #6)
Isang beses pa'y humarap ka sa akin. Batid ko ang hirap at bigat ng iyong mga pasanin. Nararamdaman ko ang papalapit mo nang pagsuko.
"Ayoko na."
Muling kumawala ang luha sa iyong mga mata. Ramdam ko ang labis na sakit na iyong nadarama.
Pumikit ka't hinawakan ang mukha mong namamaga. Hinintay kong humagulgol ka sa pag-iyak na lagi mong ginagawa sa tuwing sinasaktan ka niya. Ngunit ngayo'y tahimik ka lang at pinipilit na patigilin ang walang humpay na pag-agos ng luha sa iyong mga mata. Ilang segundo kang nakapikit habang hinihimas ang napakaamo mong mukha. Hindi ko mawari kung ano ang tumatakbo sa iyong isipan. Ngunit isa lang ang sigurado ako, nasasaktan ka't ganoon din ako.
Muli kang dumilat at tumitig sa 'kin. Tiim-bagang mo akong tinitigan bago mo ako tinalikuran. Gusto kitang lapitan at yakapin para kahit papaano'y malaman mong may handang makinig sa mga hinaing mo sa mundo. Nais kong pagaanin ang iyong loob dahil alam kong malapit ka nang sumabog. Ngunit kahit anong gawin ko, hindi maaari. Wala akong magagawa.
Napalingon ka sa may pintuan ng iyong kuwarto nang marinig mo ang malakas na katok mula rito. Sa halip na buksan mo ang pinto'y bigla kang tumakbo papunta sa iyong kama at nagtalukbong ng kumot habang nanginginig na nakatitig sa pintuan.
"Buksan mo 'to kung ayaw mong malintikan sa 'kin!" sigaw ng isang lalaki habang patuloy sa pagkatok.
Hindi ka umimik at muli ka na namang umiyak. Bigla kang sumigaw nang may sumipa sa pinto at bumukas iyon. Labis na galit ang aking naramdaman nang makita ko ang pagmumukha niya. Alam kong kinamumuhian mo siya gaya ng pagkamuhi ko sa kanya.
Lumapit siya sa iyo't isang malakas na sampal ang dumampi sa iyong mukha. Hinila niya ang iyong buhok upang tumingala ang iyong ulo at makita niya ang iyong mukha. Ipinikit mo ang iyong mata dahil hindi mo masikmurang tingnan siya.
Nagpumiglas ka't sumigaw nang halikan niya ang iyong labi. Ngunit isang malakas na sampal na naman ang iyong natikman. Hindi ka tumigil sa kakasigaw, ngunit hindi na siya nag-abalang pansinin ka't nagpatuloy siya sa kanyang ginagawa. Hinablot niya ang iyong damit at mabilis kang hinubaran. Kahit na anong pagpupumiglas mo'y hindi ka pa rin makawala sa kanya. Hanggang sa ikinuyom mo na lang ang iyong kamao habang siya'y nakapatong sa 'yo.
Muli kang tumingin sa 'kin at kitang-kita ko sa 'yong mga mata ang labis na pagkasuklam.
Hindi ko na maatim na ika'y tingnan sa ganyang kalagayan. Nadudurog ako sa tuwing nakikita kitang pinagsasamantalahan. Paulit-ulit na lang. Wasak na wasak na ang pagkatao mo. At gusto ko ring mawasak dahil wala akong silbi. Wala akong magawa upang mailigtas ka mula sa kamay ng mapagsamantala mong ama, bagkus ay lalo ka pang nasasaktan sa tuwing nakikita mo ako.
Nang makaraos siya'y tinitigan ka niya at muling hinalikan ang iyong labi. "Kamukha mo talaga ang iyong Ina."
Matapos niyang sabihin iyon ay humiga siya sa iyong tabi at mahimbing na natulog na tila walang nangyari.
Nanginginig kang tumayo at diring-diri sa 'yong sarili. Lumapit ka sa 'kin at walang kurap mo akong tinitigan habang kitang-kita ko naman ang hubo't hubad mong katawan.
"Ayoko na," muli mong sambit.
Kinuha mo ang isang matigas na bagay at mahigpit itong hinawakan.
Saglit pa'y sinulyapan ko ang maamo mong mukha. Kamukha mo nga ang napakaganda mong ina na pumanaw na.
"Sige lang, gawin mo na," sambit ko sa 'yo habang nakatuon ang aking paningin sa hawak mong bagay na handa nang sumira sa 'kin.
Napapikit ako habang damang-dama ko ang matigas na bagay sa 'king katawan na unti-unti akong dinudurog.
Hindi ko na masasaksihan ang masalimuot mong pagdadaanan. At hindi ka na rin masasaktan tuwing nakikita mo ang iyong sarili kapag ako'y iyong tinitingnan.
Pinulot mo ang isang piraso ng durog kong katawan at hinawakan ito nang mahigpit habang dahan-dahan kang lumapit sa natutulog mong Ama. Alam ko na agad ang tinatakbo ng iyong isipan at handa na ako para doon. Sana'y matulungan kita sa inaasam mong paglaya sa masalimuot mong buhay.
Ang karahasang umiikot sa buhay mo’y winakasan mo rin ng isang karahasan.
Mahigpit mo akong hinawakan at mayamaya’y ang piraso ko’y binalot ng mapulang likido nang gilitan mo ang leeg ng ama mo.
source
Maging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord: Tropa ni Toto