Habang naglalaba si Amelya sa kanilang likod bahay, naulinigan niyang may pumasok sa kanilang bahay. Kaya dali-dali siyang tumayo upang pumasok sa kanilang bahay at alamin kung sino ang naroon. At nasumpungan niya sa kusina ang kanyang asawa na si Anselmo na lango nanaman sa alak ang pumasok sa kanilng bahay. Naghahanap ito ng makakain...
"Ano ang pananghalian?", pagalit nitong tanong.
"M-may inutang akong tuyo kina Aling Maria", nauutal niyang tugon.
Ngunit nabigla na lamang siya na nakalapit na pala si Anselmo sa kanya at ubod lakas sya nitong sinampal sa kanyang mukha. May ilang minuto siyang natigagal bago niya nasapo ang kanyang mukha mula sa pagkakasampal ng kanyang asawa.
"Wala ka na bang alam ipakain sakin kundi tuyo! Hindi ba't naglalaba ka sa malaking bahay dun sa ating karatig bayan? Bakit parang hindi ko nalalaman kung saan mo dinadala ang iyong kinikita?!", patuloy na galit nitong pagsasalita.
"Oo nga't naglalaba ako sa kanila ngunit magkano lamang naman ang aking kinikita,hindi naman araw-araw ang aking paglalaba. Ang aking kinikita ay pinangbayad ko sa ating kuryente at tubig, ganun din sa pinagkakautangan natin kaya wala ng natitira sa akin na salapi", naiiyak niyang paliwanag sa kanyang asawa.
Maya-maya pa'y iniwan siya nito palabas ng kanilang bahay. Dali-dali naman niyang tiningnan ang kanyang anak na babae sa kanilang labas ng bahay habang ito ay naglalaro. Pasalamat siya at abala ang kanyang anak sa paglalaro at hindi nakita ang eksena na sinaktan siya ng kaniyang asawa. Magsa-sampung taon na rin sila ni Anselmo na nagsa-sama. Noong una'y hindi naman siya sinasaktan ni Anselmo, nagbago na lamang ito simula nung natanggal sa trabaho at napa-barkada sa kanilang mga kumpare na wala ng ginawa sa maghapon kundi uminom ng alak.
Alas diyes na, wala pa rin ang kanyang asawa. Silang mag-ina ay nauna ng kumain dahil patutulugin na niya ang kanilang anak.
"Halika na anak, ika'y matulog na at gabi na masyado. Huwag mo na antayin ang iyong ama dahil sigurado ako na hating gabi nanaman ang uwi niyon", malumanay na sabi niya sa kaniyang anak.