Nitong nakaraang Hunyo y kinse lang ay ginunita sa aming bayan ang ika limampung anibersaryo nito magmula nang maging isang ganap na lungsod noong ika-labinlima ng Hunyo taong isang libo siyam naraan animnapu't walo hoo hirap hehe Batay na rin sa batas R.A. 5412 na isinulong noon ng dating kongresista ng distrito na si late Representative James L. Chiongbian na inaprubahan naman ng dating pangulong Ferdinand Marcos.
Simple lang ang naging selebrasyon ng lungsod. Maaga pa lang ay nagkaroon ng isang parada na pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng lungsod, iilang estudyante, government agency workers, mga guro, brgy. officials at ng iba pang mga indibidwal mula sa iba't-ibang sektor ng lipunan. Itinampok rin sa parada ang limampung kabayo na tinatahak ang mga pangunahing lansangan ng lungsod partikular na ang Pioneer Avenue. Ayon sa city local government, isinama nila ang mga kabayo sa parada bilang pagkilala sa malaking papel o partisipasyon nito sa kasaysayan ng lungsod lalo na noong kapanahunan ni General Paulino Santos.
Pinagkunan
Major General Paulino Santos
( June 22, 1890 - August 29, 1945)
Si General Paulino Santos nga pala ang isa sa mga naging unang settlers ng lungsod at sa kanya rin hango ang pangalan ng aming bayan; General Santos City o Lungsod ng Heneral Santos. Kasabay niyang dumating sa lungsod ang iba pang mga indibidwal mula kauluhang Maynila. Siya ay may sariling monumento na nakatayo sa Plaza Heneral Santos. May isang programang isinagawa rin ang pamahalaan nitong nakaraang anibersaryo ng lungsod na kung saan ang lokal na gobyerno ay nag-alay ng bulaklak sa kanyang monumento kasama ang kanyang mga descendants.
Pinagkunan
Monumento ni Gen. Paulino Santos na matatagpuan sa Plaza Heneral Santos
Kinagabihan ay nagkaroon ng anniversary ball sa isang kilalang mall sa lungsod na dinaluhan din ng pamilyang Chiongbian. Gagawaran kasi ng prestihiyosong post humost award si late Congressman James L. Chiongbian na itinuturing rin na ama ng lungsod dahil sa mga nagawa nito para sa bayan. Ang kanyang award ay tinanggap ng kasalukuyang gobernor ng probinsya ng Sarangani na si Gobernador Steve Chiongbian Solon. Si late Congressman James Chiongbian din ang nagpanukalang gawing isang probinsya ang Sarangani noong taong 1992 (in digits na lang, hirap ng words eh :) ) at naging pinakaunang kongresista ng probinsya. Nakakapanghinayang man dahil hindi niya nasaksihan ang malaking pagbabago at paglago ng lungsod buhat noon hindi pa rin maipagkakaila at habangbuhay ng nakakabit ang pangalan niya sa kasaysayan ng aming bayan.
Sa totoo lang ito pa lang ang pangalawang pagkakataon na ipagdiriwang ang charter anniversary ng lungsod sa Hunyo 15 magmula ng mailipat ito noong nakaraang taon. Dati kasi ay ipinagdiriwang namin ito sa Setyembre 5 halos kasabay na rin ng pagdiriwang ng Tuna Festival.