
Alaala Ng Kamusmusan
Hampas ng mga alon at mga ibong nag aawitan,
Mga ulap na sumasalamin sa asul na karagatan,
Isang obra maestrang kay sarap pagmasdan,
Paraisong ganap sa lahat ng nilalang.
Ngunit sa marahang daluyong ng lumalamig nang hangin,
Habang mga paa`y nakalubog sa pinong buhangin,
Sa liwanag ng mga sinag mula sa kanluran,
Sa isipa'y bumabalik ala-ala ng kamusmusan.
Aking natatandaan ng kagandahan mo'y una kong nasilayan,
Nangangamoy araw pa't nakahilata sa dalampasigan,
Habang ika'y nagpapaalam, heto naman si kaibigang buwan,
Sa paligid ay nagbibigay ng kakaibang kagandahan.
Natatandaan ko pa noo'y madalas akong madapa,
Ngunit sugat sa tuhod ay di ko alintana,
Katawang tila walang kapaguran, pusong puno ng kaligayahan,
Mga ngiti sa mukha na tila di mapapantayan.
Tumbang preso, sudsod baro, langit, lupa at patintero,
Tagu-taguan sa maliwanag na buwan at luksong baka doon sa damuhan,
Paboritong laro ng ating kabataan,
Madalas nauuwi sa matinding tuksuhan.
Murang isipang noong wala pang muwang,
Sa kaguluhang nagaganap sa aking kapaligiran,
Tanging kulog at kidlat ang siyang kinakatakutan,
Subalit si inay ay nariyan upang sa aking pag iyak ay mapatahan.
O kay sarap gunitain ang ating kabataan,
Mga ngiti sa puso na di napaparam,
Subalit sa aking kalooban tila may lungkot na nadarama,
Mga butil ng luha mula sa aking mga mata.
Nasaan kana ba aking kaibigan at kalaro?
Namamasdan mo rin ba ang magandang tanawing ito?
Sana ang buhay ay katulad rin ng karagatan,
Maaliwalas at malawak, tila walang katapusan.
Subalit larawan ng buhay ay unti-unti ring kukupas,
Bawat oras at araw ay kay bilis ring lilipas,
Kung may pagkakatao`y nais ko sanang balikan
Yaong panahon ng aking kamusmusan.
Subalit kung dumating na ang panahong paraisoy kailangan ko nang lisanin,
Sana ay kagandahan mo`y muling ipamalas saakin.
Awit ng mga ibon, haplos ng mga hangin,
Hakbang ng mga paa, sayaw sa buhangin.
This is my entry for Sir
Hive account@iyanpol12 poetography contest Filipino category.