(Taken from mattmcwilliams.com)
Magandang hapon sa inyo, mga tagasubaybay! Ako'y nagbabalik upang ihandog sa inyo ang aking pinakaunang nilikha na spoken word poetry sa wikang Filipino. Minsan ko nang itinanghal ang piyesa na ito sa harap ng isang grupo ng mga tao, at umaasa akong isang araw ay maulit muli ang pagkakataon na iyon. Sana'y magustuhan ninyo ang obra kong ito. :)
Kay Hirap Iwanan
by Jesse Mar E. Mulintapang
Noong dumating ang araw na ika’y umalis
at hindi na bumalik pa,
ako’y naiwang naghihinakit at tumatangis
At naiwan din
ang hindi mabilang na mga bagay
na nagpapaalala sa akin tungkol sa iyo
Noong una ay hindi ko maiwan
ang mga bagay na ito
na palatandaan ng iyong minsang pagsinta
Pero sinikap kong hanapin
ang lakas ng loob
na iwan ang mga ito at magpatuloy
Nagawa kong kalagan
ang mga kadenang nagtanikala
ng aking puso sa mga materyales na ito
Kaya lang may isang tanikalang
naiwang walang gasgas
at hindi man lang napinsala
Nagawa ko mang itapon
ang lahat ng mga bagay
na naguudyok sa akin upang isipin ka
Ay hindi ko magawang itapon
ang mismong mga alaala ko
tungkol sa iyo at tungkol sa atin
Ngayon, tuwing ako’y naglalakad,
saan man ako mapadpad
dahil sa aking mga tungkulin
Tinitingnan kong mabuti
ang bawat taong aking malalampasan
at inuusisa ko ang kanilang itsura
Nagbabakasakali
na ako’y kaawaan ng Dios
at kanyang ipahintulot ang aking hangarin
Na makita kang muli
pagkatapos ng mahabang panahon
at ika’y muling makasama
Dahil umaasa pa rin akong makakasalubong kita
sa pamilihan tulad ng dati, o di kaya’y
makatabi ka muli sa isang pampasaherong jeepney
Kasi nangungulila pa rin ako
sa iyong mga yakap at halik;
inaasahan ko pa rin ang iyong pagbabalik.