Para mas maintindihan ang kwento, narito po ang mga naunang bahagi ng aming kuwento:
Unang Bahagi ni
Ikalawang Bahagi ni
Ang Nakaraan...
Lahat kami? ... Pwedeng tumuloy?, tanong muli nito.
Napatango si Jem bago tuluyang napaatras mula sa pinto. Naramdaman nyang hihimatayin na naman sya. Nasilayan nya ang pamilyar na pigura ng kaibigan. Ngunit may napansing kakaiba si Jem bago ito tuluyang mawalan ng malay.
Para bang basag ang salamin na tangan ng mukha nito at may mayabong na agos ng dugo sa kanyang ulunan.
Nagising si Jem dahil sa ingay ng pag-uusap ng kanyang Lola Delia at Nanay Rome. Ramdam niya pa rin ang kaunting pagkahilo kaya kahit gusto niyang bumangon ay nanatili na lamang muna siyang nakahiga. Inilibot niya ang mga mata sa kinaroroonan at takang-taka siya kung bakit na naman siya nagising sa kuwarto ng kanyang lola. Pilit niyang inalala kung anong nangyari at napabalikwas siya ng bangon nang maalala ang kaibigang si Jazz.
“Sabi ko naman kasing huwag niyang papasukin ang mga iyon, pero ginawa niya pa rin. Buti na lamang at nakababa ako’t nakita ko sila bago nakapasok sa loob.”
Lalo namang naguluhan si Jem sa tinuran ng kanyang lola.
“Nandiyan pa rin sila sa labas ngayon at naghihintay ng pagkakataon na makapasok. Marahil ay binigyan sila ng permiso ng anak mo na pumasok kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin sila umaalis,” dagdag pa nito.
Nagsitindigan ang mga balahibo sa katawan ng dalaga dahil sa narinig. Hindi niya maintindihan kung anong nangyayari at pakiramdam niya’y mababaliw siya kapag hindi niya nalaman ang lahat ng misteryong nararamdaman niya.
“Lola, ano po bang nangyari sa akin? Nasaan si Jazz? Siya po kasi ‘yong pinapasok ko kanina. P-pero bakit ang dami nila kanina?” sunod-sunod na tanong niya.
Sabay namang napalingon sa kaniya sina Lola Delia at Nanay Rome. Napakunot-noo naman siya nang mabilis siyang nilapitan ng ina at niyakap nang mahigpit.
“Muntik ka na nilang makuha, anak.” Biglang napaiyak si Nanay Rome at damang-dama ni Jem ang kakaibang takot ng kanyang ina.
“Nay? Bakit po…” Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil biglang may kumatok nang malakas sa kanilang pintuan.
Tatlong magkakasunod na katok. Titigil ng tatlong segundo tapos kakatok ulit ng tatlong beses. Ang katok na iyon lamang ang ingay na maririnig sa loob ng kanilang bahay. Silang tatlo’y tikom ang bibig at nakikiramdam lamang.
Mayamaya’y biglang may kumalabog sa kabilang kwarto. Nasindak silang tatlo at sabay na lumingon sa pintuan ng kwarto ni Lola Delia. Nang sandali ring iyon ay hindi na nila narinig ang mga katok sa pangunahing pintuan sa ibaba.
Pero lalong nasindak si Jem nang biglang hinawakan nang mahigpit ni Lola Delia ang kamay niya at tila galit itong tumitig sa kanya.
“Bakit mo binuksan ang lumang kwarto? At bakit mo tinignan ang salamin!” galit na turan ng kanyang lola habang mas humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya kaya nasasaktan na siya.
“N-nay…” Tumingin siya sa kanyang nanay na gaya niya’y naguguluhan na rin sa mga nangyari.
“Nay, ano po ba talagang nasa loob ng kwartong iyon at ayaw na ayaw mo kaming pumasok doon?” tanong ni Nanay Rome na bakas sa mukha ang kilabot na nararamdaman.
Ngunit sa halip na sagutin sila ng matanda ay bigla na lamang nitong itinuon ang paningin sa nakabukas nilang bintana kung saan ang malamig na hangin ay tila iniimbita nito na pumasok sa loob.
“Hindi n’yo ako makukuha! At lalong hindi ko hahayaan na kunin n’yo rin ang apo ko! Hindi ako makapapayag!”
Napayakap nang mahigpit si Jem sa kaniyang ina dahil hindi na niya yata kakayanin ang takot na sumukob sa kabuuan niya. Naiiyak na siya lalo na nang nakita niyang nanlilisik ang mga mata ng kanyang lola habang nakatingin sa bintana. Ngayon lang niya nakita ang kanyang lola na galit na galit, na kahit ang ugat nito sa leeg ay mas lalong bumakat sa balat nito.
Gustuhin man nilang mag-ina na isiping nagha-hallucinate na naman si Lola Delia, pero ang mga aninong biglang sumulpot sa bintana ay sapat na para sabihing totoong may nakikita talaga ang matanda.
Isang pares ng mapupulang mata ang dumungaw sa kanilang bintana. Nanlaki ang mga mata ni Jem nang makita niya ang duguang mukha ni Jazz na nakatitig sa kanya. Kasabay naman nito ang muling pagkalampag ng kung ano sa kwarto ng dalaga.
Umihip ang malakas na hangin at tuluyan nitong natanggal ang kurtinang kanina pang nakikipagsayaw sa hanging pumapasok sa loob ng kuwarto. Ang isang pares ng mapupulang mata ay nadagdagan pa ng limang pares.
Gusto ulit na himatayin ni Jem dahil sa nakita. Hinihiling niyang sana ay panaginip lang ang lahat at sa muling pagdilat ng kanyang mga mata ay manunumbalik na sa normal ang lahat.
Mula sa labas ng kwarto ay dinig na dinig din nila ang mga yapak ng paang paulit-ulit sa pagbaba-akyat sa hagdanan. Sumunod naman ang kung anong ingay sa loob ng kanilang banyo na tila may taong nagwawala.
“Huwag kayong mag-alala at hindi sila makakapasok!” sigaw ni Lola Delia habang nakatuon ang paningin sa pintuan ng kanilang kwarto.
Bumaling naman ang matanda sa gilid ni Jem kung saan ay wala siyang katabi. “Mahal ko, hindi niya sinasadyang galawin ang salamin,” dagdag pa nito habang iling nang iling sa kung sinong kinakausap nito.
Hindi na makahinga si Jem sa tindi ng hilakbot na nararamdaman lalo pa’t may naramdaman siyang malamig na kamay na humawak sa kanyang kaliwang paa. Nang itinungo niya ang ulo para alamin kung sinong humawak n’on ay nakita niya ang itim na malahibong kamay.
Napasigaw si Jem at nabalot ng kaniyang nakabibinging hiyaw ang kanilang buong kabahayan.
Itutuloy...
Ano nga kaya ang misteryong bumabalot sa lumang kwarto at ng salamin na nasa loob?
Ano nga ba ang totoong nangyari kay Jazz?
At kaninong kamay ang humawak sa paa ni Jem?
Abangan sa kadugtong ng kwentong kababalaghan na ito sa panulat ni .