Para sa karangalan ng aming pangkat at sa maliit na SBD na maaari naming mapanalunan, tatapusin ko ang kwentong punumpuno ng aksyon at adbentyur, ang kapana-panabik, kaabang-abang, kaiga-igayang edisyon ng TagalogSerye presents "Diamante sa Piling Mo".
Kung na-miss mo ang mga nakaraang kwento, mangyari lamang na balikan ito sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga naunang nilikha
Unang Bahagi ni
Ikalawang Bahagi ni
Ikatlong Bahagi ni
Ikaapat na Bahagi ni
Ang Nakaraan...
“Ano ‘yan?” pabulong na tanong ni Jayson habang pinagmamasdan ang likidong iyon.
“Nawiwiwi ako sa nerbyos…” nahihiyang sagot naman ni Larah.
Dahil sa paglabas ng katawan ni Larah ng mataas na temperatura, hindi na nakaya ng gadget na higupin ito kaya na-detect ng security device ang kanilang galaw at umingay sa loob ng kwartong kanilang pinagtataguan dulot ng security alarm.
Shanghai, China 上海市
Tututututut... tututututut... tututututut...
(tunog ng ringtone sa cellphone)
“Ní hǎo!”, boses iyon ni Mr. M. "Akwoh dala akyen tauhan pala bilis patay kalaban. Mga dalawampu akyen bataan."
"Sige po Mr. M., sisiguraduhin namin ang seguridad sa pinaglalagakan ng dyamante.", boses ng isang misteryosong tauhan.
"Pelo wak mo likpit akyen Jey-son. Akwoh na bahala bigay palusa sa kanya. Sa'yo na babae seksi kutis polselana, basta akyen lang Jey-son.", mahigpit na utos ni Mr. M
"Masusunod po.", magalang na sagot ng misteryosong tauhan.
Tututututut... tututututut... tututututut...
(tunog ng security alarm mula sa hideout)
"Lagot na...", bakas sa boses ni Agent Larah ang takot.
Papalapit na ang mga gwardiya sa pinagkukublian ni Larah at Jayson. Isang gwardya sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Anumang hakbang na gagawin nila ay hindi sapat para mapatumba ang dalawang gwardya. Maglilikha lamang ito ng ingay na mas pupukaw pa sa atensyon ng iba pang gwardya. Taas ang dalawang kamay, lumantad si Larah at Jayson sa harapan ng dalawang gwardya. Senyales na sumusuko na sila.
"Nalintikan na!", inis na wika ni Darius habang pinapanood ang eksena mula sa kanyang monitor. "Huh, teka sino 'yun?"
Isang lalake na nakasuot ng itim na hood ang mabilis na nakalapit sa likuran ng dalawang gwardya. Hawak ang baril sa kanang kamay, ipinukpok ng lalakeng naka-itim na hood ang baril sa batok ng isang gwardya. Ang isa naman ay hinawakan niya sa buhok at inuntog sa kanyang tuhod. Tumba ang dalawang gwardya. Alerto naman si Larah at Jayson sa pangyayari. Nakatutok ang hawak nilang baril sa katawan ng lalakeng naka-hood. Walang nagawa ang lalakeng naka-hood kundi itaas ang dalawang kamay at ibaba nang dahan-dahan ang kanyang baril.
"Salamat sa tulong mo, pero hindi namin kilala kung sino ka.", matigas na tugon ni Jayson.
Dahan-dahang ini-angat ng lalake ang hood na bumabalot sa kanyang ulo at tumatakip sa itaas na bahagi ng mukha. Lalo pang napokus ni Jayson at Larah ang pagtutok ng baril sa lalake, kinukutoban sila na baka may hindi kanais-nais na gawin ito.
"Kapatid ako ni Tony. Ang pangalan ko ay Max. Tutulungan ko kayo na makuha ang dyamante.", pagpapakilala nito.
May gumuhit na lungkot sa mukha ni Jayson nang marinig ang pangalan ng namatay na kaibigan. Hindi lang ang dyamante ang hangad niya sa ngayon. Gusto din niya na pagbayarin si Mark sa kasalanan nito. Papatayin niya si Mark. Ipaghihiganti niya ang namatay na kaibigan.
"Kailangan na nating magmadali. Pasakay na ng eroplano si Mr. M. Hawak niya ang dyamante at babalik siya ng Pilipinas upang ibenta ito kay Mr. Henry Sy", paglalahad ni Max.
"Guys, mamaya na ang kwentuhan. Paparating na ang madaming gwardya.", sabi ni Darius habang nakatitig sa monitor.
Bago pa man sila makalabas ng hideout ay napaligiran na sila ng walong gwardya. Talikuran silang tatlo upang mapaghandaan ang pag-atake kung sakali mang sabay-sabay susugod ang mga gwardya. Naka-fighting pose na sina Jayson at Max. Pasugod na din ang mga gwardya palapit sa kanila.
BANG! BANG! BANG! BANG! BANG! BANG! BANG! BANG!
Pinaputukan lahat ni Agent Larah ang mga gwardya. Asintado siya masyado at lahat ng tama ay sa ulo.
"May pa-fighting pose pa kayo dyan, may baril naman tayo. Ipuputok mo na lang, isusuntok mo pa.", galit na reklamo ni Larah.
"Mas cool kaya kapag may fight scene.", pabirong sabat ni Jayson.
Tumungo ang tatlo sa isa pang hideout ni Mr. M kung saan naroon ang private plane na gagamitin niya pabalik ng Pilipinas. Isang malawak na warehouse na merong runway ng eroplano ang bumungad sa kanilang pagdating. Mas maraming tauhan ang nakabantay ngayon sa warehouse at lahat ay armado ng baril at patalim.
"Tandaan nyo guys, hindi natin kailangan harapin lahat ng kalaban. Si Mr. M lang ang kailangan natin.", tip ni Darius sa tatlo. "Basta mailagay n'yo lang itong bomba sa gitna ng warehouse. Meron lang kayong 10minutes para magawa 'yun."
"Ako na ang maghahawak ng bomba.", pabidang sagot ni Jayson. "Sa likod ako dadaan. Lituhin ninyo sila mula sa harapan."
At dali-dali nilang isinagawa ang plano. Ginamit nilang distraction sa mga gwardya ang alindog ni Agent Larah at sasakalin naman o papaluin ni Max ng baril sa batok ang kalaban. Nagbato pa ng smoke grenade si Max sa isang kwarto upang mapatulog ang apat na gwardyang naglalaro ng Pusoy Dos. Ginamit nila ang kanilang nalalaman sa Judo at Taekwondo upang mapatumba pa ang ibang gwardya. Inilagay ni Jayson ang bomba sa gitna ng warehouse. At habang papalabas na sila sa warehouse, nakita nila si Mr. M at dalawang tauhan nito na pasakay na ng eroplano. Mabilis nilang sinundan ito bago pa man makalipad ang eroplano. At sakto sa pagsara ng pinto ay nakapasok na ang tatlo.
KABOOOM!
"Boss, sumabog ang warehouse natin.", sumbong ng isang gwardya.
"Hayaan mo na akyen wel-haws. Mahalaga akyen hawak dyamante.", sagot ni Mr. M "Dali, lipad na tayo balik Pili-pinas."
Napatulog na ni Agent Larah at Jayson ang dalawang bodyguard ni Mr. M na sakay ng eroplano. Nasa himpapawid na ang eroplano at pupunta ng Pilipinas. Nakita na ng tatlo si Mr. M. Agad tinutukan ng baril ni Jason at Agent Larah si Mr. M.
"Huli ka na namin ngayon Mr. M", mayabang na tono ni Jayson.
"Hahaha! Wak kayo paka-sigulado. Akyen pa lin huling halakhak.", natatawang sagot ni Mr. M
At mula sa likuran ni Agent Larah at Jayson ay dalawang baril ang nakatutok. Si Max ang may hawak ng dalawang baril sa tig-isang kamay. Nakaabang ang hintuturo upang kalabitin ang gatilyo.
"Anong ibig sabihin nito, Max?", galit na tanong ni Jayson.
Isang napakabilis na tagpo ang sumunod. Dalawang putok ng baril ang narinig mula sa eroplano.
BANG! BANG!
Tumba si Max. Binaril siya ni Mark.
Tumba din si Mark. Binaril siya ni Mr. M
Mabilis naman na pinaputukan ni Agent Larah si Mr. M at isang ligaw na bala mula sa baril nito ang tumama naman sa piloto ng eroplano.
"Mark, bakit mo kami iniligtas?", susuntukin pa sana ni Jayson ang nakahandusay na si Mark subalit napigilan siya ng emosyon nang makitang umaagos ang napakaraming dugo mula sa dibdib nito.
"Si Tony at Max ay mga tauhan ni Mr. M. Pinatay ko si Tony dahil plano niyang iligpit ka kapag nakuha na niya ang dyamante. Hinayaan kong mamalagi ka sa kulungan nang tatlong taon upang maimbestigahan ko ang misteryo ng dyamante at upang hindi ka mapahamak. Pinalabas ko na kontrabida ang aking sarili para ako ang hanapin mo at hindi mo na habulin si Mr. M. Nagbago lahat ng plano nung hiningi ko ang tulong ni Larah at mapunta kayo dito sa Shanghai. Hindi ko pala kakayanin mag-isa si Mr. M at ang grupong Yuanhu kaya ipinadala ko kayo dito. Ngayon, nasa maleta ni Mr. M ang dyamante. Nagtagumpay tayo Jayson. Nakuha natin ang dyamante."
Pinilit ni Jayson na hindi maluha habang pinapakinggan ang kwento ni Mark.
"Isang bagay lang ang hinihiling ko sa'yo Jayson..." at inabot niya kay Jayson ang isang notebook na nakatago sa bulsa ng pantalon nito.
"Pakiguhitan mo na ang nasa bilang lima. At patawarin mo ako sa mga nagawa ko sa'yo."
My To-do List:
1. Maghanap ng murang boarding house.
At iyon na ang mga huling kataga ni Mark. Binawian na siya ng huling hininga matapos maiabot ang notebook kay Jayson.
Hindi na din nag-aksaya pa ng oras si Jayson at Larah. Pagewang-gewang na ang lipad ng eroplano dahil patay na ang piloto na tinamaan ng ligaw na bala. Binuksan nila ang pinto ng eroplano at akmang tatalon na. Gusto pa sanang bumalik ni Jayson para kunin ang maleta na naglalaman ng dyamante subalit nanganganib na ang buhay nila sa nalalapit na pagbagsak ng eroplano papunta sa dagat. Sa bilang na tatlo ay sabay tumalon ang dalawa. Nagyakapan pa sila nang lumutang ang kanilang katawan sa dagat. Isang masiil na halik ang ibinigay ni Jayson kay Larah. Gumanti naman ng halik ang babae at nagtagal ang kanilang paglalapat ng labi habang lumulubog ang eroplano sa kalaliman ng dagat.
Tondo Manila, Pilipinas
Katatapos lang ng mainit na romansa ni Jayson at Larah. Nakatakip ng kumot ang katawan ni Larah habang nakasandal sa headrest ng kama. Si Jayson naman ay nakaupo sa gilid ng kama, walang suot na anumang saplot at pinagmamasdan ang Music Box.
Binuksan niya ang aparato at kusa itong tumugtog. Bumalik sa alaala niya ang mga kaibigan. Sina Tony, Mark at Darius. May tumulong likido mula sa mga mata niya. Mula sa likuran ay niyakap siya ni Larah at binulungan.
"May bago tayong work order bukas. Magreport daw tayo kay Colonel sa Headquarters."
WAKAS
BILANG NG SALITANG GINAMIT: UNLI pa rin (pinanindigan na)
Bida: The Reclusive Genius: Intelligent pero anti-social. [si Jayson]
Kontrabida : The Monstrous Adolescent: May taglay na malakas na kakayanan pero lubos na mapanganib. [si Mr. M]
Elemento sa Kwento na ginamit :
Music Box (Memories, Childhood)
Diamond
end credits
Isang submarine naman ang bumabaybay sa kalaliman ng dagat Pasipiko. Gamit ang radar, masigasig na hinahanap ang lumubog na eroplano. Nang matagpuan, agad na lumabas ang isang lalake na kumpleto ang suot na self-contained underwater breathing apparatus (SCUBA) at pinasok ang kaloob-looban ng eroplanong wasak ang kalahating bahagi.
"Natagpuan din kita! You are mine now!" galak na galak na wika ni Darius.