Sa paglabas ko
sa aming bakuran...
Tumingala ako sa kalawakan,
Hinanap ang mga maririkit
na bituin sa gabing nagdaan,
Wala na sila, wala na nga, Ngunit,
Sinalubong ako ng
Bughaw na kalangitan
Sa paglabas ko
sa aming bakuran...
Sinalubong ako ng
Init ni haring araw
Na sa pakiramdam
Ay kay gaan,
Wala na, wala na nga
Ang lungkot sa nagdaang
Gabi, na aking iniyakan
Mabilis ang takbo ng oras
May pagsasalungat ang ugoy ng
mundo
Naging mapusok
Ang paggulong ng pawis
Ng kargador sa pabrika
At mahinahon naman
ang unang patak ng
Hamog nakakapit sa Gumamela
Napakasangsang ng
Usok ng Marlboro
Ni Tiyo Delfin habang
Nagbabasa ng diyaryo
At napakalimuyak naman nng
usok mula sa carinderia sa may kanto
Nakabibingi ang ingay ng daan
at kay banayad naman ang unang
tilaok ng Tandang sa bakuran
Sa paglabas ko
Sa aming bakuran...
Sumasayaw ang puno,
Kasama ang preskong
ihip ng hangin
Sa paglabas ko
Sa aming bakuran...
Nagpapahinga na ang
Mga Ulap na tumatakbo
Buong maghapon, kahapon
Mabilis ang takbo
Ng oras, Ngunit,
May kapayapaan
Ang musika ng Mundo
Napakatamis ng ngiti
Ng mga magkakapit-bahay at
Halinghing ng magsing-irog,
Kay gaan sa pakiramdam
Ang huni ng mga ibon at kanilang
Lagaslas habang naglalaro ng habulan
Sa may bubungan
Nagsasalubong ang ingay ng mundo sa
oras na ito at ang kapanatagan
ng kalooban ko
Dahil
Sa paglabas ko
Sa aming bakuran,
Ang Umaga'y aking tinulaan