Tagpuan
Galing sa Unsplash.com
Minsan may mga pagkakataong sobrang sabik ka pumunta sa tagpuan. Pero ang tanong: yun ka-tagpo mo, sisipot kaya? Sayang ang effort at masakit ma-injan.
Ilang ulit nang nilakad itong sampung-kilometrong daan.
Sa bigat ng bawat hakbang, parang ayoko ng ilaban.
Kayang magtiis kung siguradong may ligayang laan.
Ikaw. Paulit-ulit na lang, ang tagpua’y walang laman.
Sa pangakong lugar, umagos ang luha pagkat,
Sa huli, humantong tayo sa pagwawakas ng lahat.
Sino kaya ang nakaisip at humatol na di dapat?
Hindi ata kailanman pagibig ay maging tapat
Sa tagpuan, ako’y sana makalimot.
Minsan naman ikaw ang ayaw makipagkita. Tapos ang masaklap - for some reason, wala kang choice. I-wish mo na lang na ma-LBM yun taong iniwasan mo.
Isang mahabang kalsada na kayang tahakin kahit pikit.
Ikaw ay sa akin nilalapit ang nakabaong mga hinanakit.
Maisip ang iyong mga sinabi na hindi mawawaglit,
Itinatanim mo sa aking puso - mga poot at pasakit
Binalikan mga dating araw, saya ay ating kaakbay.
Kasalukuyang dinala nang mapait na lumbay.
Tadhana ata nagdigta na dalawang puso’y maghiwalay.
Mabuting magkalayo tayo nang habang-buhay.
Sa tagpuan, ika’y huwag magpakita.
Pero meron din sigurong pagtatagpo na parang meant-to-be? Yung pang-cheesy na romance movies ang estilo. Individually magkaibang-magkaiba, pero pag magkasama, nabibigyang ng mas magandang kulay.
Ilang ulit nang nilakad itong Isang mahabang kalsada,
Sampung-kilometrong daan Na kayang tahakin kahit pikit.
Sa bigat ng bawat hakbang, Ikaw ay sa akin nilalapit.
Parang ayoko ng ilaban Ang nakabaong mga hinanakit.
Kayang magtiis kung Maisip ang iyong mga sinabi.
Siguradong may ligayang laan Na hindi mawawaglit.
Ikaw. Paulit-ulit na lang Itinatanim mo sa aking puso,
Ang tagpua’y walang laman Mga poot at pasakit.
Sa pangakong lugar, Binalikan mga dating araw,
Umagos ang luha pagkat Saya ay ating kaakbay.
Sa huli, humantong tayo sa Kasalukuyang dinala -
Pagwawakas ng lahat Nang mapait na lumbay.
Sino kaya ang nakaisip? Tadhana ata nagdigta,
At humatol na di dapat Na dalawang puso’y maghiwalay.
Hindi ata kailanman Mabuting magkalayo tayo.
Pagibig ay maging tapat Nang habang-buhay,
Sa tagpuan ako’y, Sa tagpuan ika’y
Sana Huwag
Makalimot Magpakita
Ito ang tula na nais kong ilahok sa patimpalak ni . Pasok ba itong akda ko? Hehe. Hahayaan ko na lang si hurado
ang magdesisyon dyan 😅 Sana mapagbigyan, unang beses pa lang ako sasali.
Naisip ko ang konseptong pagsamahin ang mga tula dahil na rin sa temang "tagpuan". Kumbaga "pinagtagpo" ko ang dalawang tula upang makabuo ng panibago. Dahil sa kumplikadong istraktura, aminado ako na medyo hindi pulido ang bawat mga salita. Pero pinush ko na din itong kakaibang estilo para makasubok ng bago.
Shoutout din kay na nagpa-alala sa akin na marami pang paraan upang laurin ang isang sulatin, gaya ng ginawa nya sa kanyang tula. Salamat lodi.
Update po. Andito ang mga listahan ng mga nagwagi para sa patimpalak na ito. Medyo nakakalungkot at hindi pinalad na mapili ang aking akda para sa isa sa pitong nanalo. Pero natuwa na rin po ako sa kumento at suporta ng mga naging kaibigan ko na dito sa Steemit. Mabuhay kayong lahat at maraming salamat! 💖
Ito ay orihinal na commissioned art