Ito ang unang beses ko na gumawa ng spoken word poetry. At ito din ang unang beses ko na sumali sa patimpalak ni ginoong
. Nawa'y magustuhan ninyo ang aking likha.
Magkaibigan tayo!
Hindi ko alam kung ito ba ang simula o katapusan.
Hindi ko masabi kung ano ang kahahantungan
Kung panaginip man ito, ayoko na magising
Pinipilit baluktutin ang reyalidad na isang ilusyon ka lang din.
Nagsisisi na dapat hindi na inumpisahan
Ayoko rin naman na malagay tayo sa alangan
Tanggapin kung anuman maging patutunguhan
Pero lakas ng loob lamang ang aking puhunan
Nagbago na lahat, bumabaw ang malalim
Tayo'y nagtapat ng mga nararamdaman natin
Hindi ako sanay, napakadami ng nagbago
Naging suliranin ko ang pagiging mailap mo
Takot, duda, lungkot at tampuhan
Ang mga emosyong ito ay napalitan ng--
Mga tawanan, saya, biruan at kwentuhan
Kusang bumabalik, naglalaro sa isipan
At tulad ng apoy, hindi kita mahawakan
Isa lamang akong gamu-gamo na sa kariktan mo ay nadarang
Wag mo akong itulak palayo kung ika'y aking lalapitan
Maging masaya sana tayo at wag magsakitan
Nagdesisyon pa rin tayo na magkita doon
Kahit alam ko maraming hindi umaayon
Handa akong baliktarin ang mahirap na sitwasyon
Hindi ko man kakampi ang oras at pagkakataon
Sa Cebu na siyang magiging Tagpuan natin
Pupunta pa rin ako kahit alam kong hindi ka makakarating
Aakyat sa pinakamataas na bahagi ng bulubundukin
Aking isisigaw "Mahal kita, sana ika'y mapasa-akin!"