BAKIT MAS MADALING MAGSULAT KAPAG NASASAKTAN?
Napansin ko sa sarili ko na nabubuhos ko lahat ng gusto ko sabihin sa pagsulat kapag may nararamdaman akong sakit. Hindi yung sakit na nilalagnat, yung sakit na tagos sa puso. Yung di kaya gamutin ng gamot. Yung sakit na hirap lunasan. Pakiramdam ko nga sobrang galing ko sa pagsusulat kapag ganun. Pero bakit? Sa dinami-dami ng pwede kong gamitin na emosyon, bakit yung sakit yung tumutulong sakin upang mapabuti ko ang isang katha?
Hindi naman talaga ako mahilig magsulat. Mahilig ako magbasa. Pero pagsusulat? Katamaran ko yan. Magsusulat kapag may hinanakit ako, ganun. Ganun lang.
Noon may planner ako, yung galing pa sa Starbucks. Bukod sa mga kaarawan ng mga taong mahahalaga sakin at iba bang plano sa araw-araw ko, sinusulatan ko rin sya na para bang isang diary. At madalas, o halos lahat ng naisulat ko dun eh puro sakit, hinanakit. Sa araw-araw halos puro ganoon ang laman nya.
Masayahin rin naman akong tao. Sa katunayan nga mababaw lang kaligayahan ko. Tulad na lamang nung makita ko yung reputation ko rito sa Steemit na tumaas eh, para na akong nanalo sa lotto kung maghiyaw. Pero kapag masaya ko, wala kong maisip isulat. Blangko ang aking utak kapag may hawak na bolpen at papel. Wala kong maisulat. Totoo iyon.
Pero sa isang banda, kahit kinukwestyon ko ang aking sarili, masaya ako dahil alam ko, na kahit malungkot o nasasaktan ako sa oras ng pagsusulat, may maganda itong kinakalabasan sa huli.