Pera. Pag pera ang usapan ay tiyak na matutuwa ka. Sino ba namang hindi matutuwa kapag pera ang usapan hindi ba?
Maraming nagsasabi na hindi mabibili ng pera ang kaligayahan, sila lang 'yon aba! Wag niyo ako idamay! Kasi sa panahon ngayon, ang pera na mismo ang nakakapag bigay saatin ng kaligayahan. Sapagka't hindi tayo mabubuhay kung wala ang pera. Dahil ang pera mismo ang nagiging dahilan kung bakit tayo nakakakain sa pang araw-araw kung wala yan, paano tayo mabubuhay? Dahil ang pera mismo ay isa sa mga bagay na kakailanganin natin. Lalo na at ngayon ay nagtataasan ang mga bilihin.
Bakit ngaba nadamay ang pera sa blog ko ngayon? Dahil ngayong Biyarnes santo, nakita ko ang panibagong patimpalak ng at ang isa sa mga katanungan na nabasa ko ay:
"Kung nakapulot ako ng 500 pesos, Isasauli ko ba ito sa may-ari, kung hindi, saan ko ito gagamitin?"
Napaka imposible para saakin ang mangyari yan sa realidad dahil hinahabol ako ng kamalasan sa buhay. Pero! Kapag mangyari man ito sa totoong buhay, merong dalawang impossible na pwedeng mangyari. Ito ay nakadepende sa sitwasyon kung:
- NAABUTAN KO PA ANG NAKAHULOG.
Kung ang nag mamay-ari ay nasa harapan ko lamang at hindi pa nakalayo-layo ay pwede ko pa itong isauli sakanya. Dahil hindi ko naman pwedeng kunin nalang ng basta-basta lalo na kapag nasa pampublikong lugar ka. Madaming makakakita. Mapagbibintangan ka at baka may pagkakataong madaming taong magsusumbong sa nagmamay-aring hindi mo binalik sakanya at ito ay very wrong.
- WALA NA ANG MAY-ARI AT HINDI MO ALAM KUNG SINO ANG NAGMAMAY-ARI.
Kung ang sitwasyon ko naman ay hindi ko alam kung sino ang nagmamay-ari o wala na ang nagmamay-ari sa harapan ko o sa paligid, iyan ang totoong swerte. (Tingin ka sa paligid para dika mapagkamalan ng mga ibang tao at wala kang kaagaw sa perang napulot mo charot!)
NGAYON, KUNG ANG SITWASYON KO AY NASA PANGALAWA, ANO NGA BA ANG GAGAWIN KO SA 500 PESOS NA NAPULOT KO?
Kung ang hula mo ay ibibili ko ng pagkain sa Mcdo, Jollibee, Mang Inasal, at kung saan saan pang napakasarap na kainan na pwede kong pagbilhan, nagkakamali ka.
Kung ang hula mo ay ibibili ko ng kung ano-anong pansarili sa shopee, lazada, at tiktok pwes may tama ka! Pero joke lang wag mo seryosohin kasi nagkakamali ka ulit.
So ano? Ano ang gagawin ko sa perang napulot ko?
Ang pera ay napakahalaga para satin. Minsan lang tayo makapulot ng libreng pera. Gaya ng sabi ko, minsan lang ako habulin ng libre't swerte sa buhay. Kaya kung mangyayari man ito, dalawa lang naman na bagay ang gagawin ko sa perang ito:
- UNANG BAGAY NA GAGAWIN KO AY IBIBIGAY NG TIG 20 PESOS SA MGA NAMUMULUBI SA GILID NG DAANAN.
Alam niyo ba, andaming mga namumulubi sa Urdaneta, Pangasinan. Doon ako nakakakita ng mga namumulubi mapa bata man yan o matanda nasa gilid-gilid sila ng mga Supermarket o sa mga madaanan ng mga maraming tao. Meron silang iba't-ibang bersyon ng pamumulubi, merong mga nag guguitara, may mga matatanda na kumakanta ng mga pang matandang kanta, meron ding mga nagmamakaawa at dama mo talaga ang lungkot sa kanilang mga mata, merong mga bata na madudumi't walang ligo pero kahit init na init at tirik na tirik ang araw ay tumutulong sila sa paglalako ng kung ano-ano gaya nalamang ng sampaguita na bulaklak.
Sa tuwing pumupunta ako doon ay nakagawian ko na ang magbigay ng tig 20 pesos sa kanila sa tuwing dumadaan ako sa pwesto nila. Napapagalitan din ako minsan ng Lola ko kasi bakit ko sinasayang ang pera ko? Para sa iba, ang pera na binibigay ko sakanila ay sayang nguni't para sakin ay may napupuntahan din naman dahil ibibili nila ito pandagdag sa kanilang mga makakain. Kaya kahit na ako'y napapagalitan, hindi ko kailanman nakakalimutang magbigay sa kanila sa tuwing pumupunta ako doon.
- PANGALAWA, IBIBILI KO ITO NG PAGKAIN NG MGA ASO NA NASA GILID-GILID NG MGA DAANAN.
Isa sa mga pangarap ko kapag ako ay yumaman, ay ang tumulong sa mga aso at pusa na nasa daanan. Sabi ko dati, gusto ko mag tayo ng bahay ampunan ng mga aso at pusa. Kaya nga, madalas ako kapag pumupunta ako doon sa SM URDANETA mag scratch scratch ng mga Monkey ticket na yan nagbabakasakaling baka manalo ako ng madami. Pero gaya nga ng sabi ko, Minamalas ako sa buhay at hindi ko alam kung anong ginawa ko noong Past Life ko't minsan lang bumisita sakin ang swerte kaya wala parin.
Napapabilib din ako sa panunuod sa tiktok. May mga tao na may mabubuting tao at tumutulong na kuhanin ang mga aso na makita nilang nasa hindi mabuti na sitwasyon. Nakakamanghang makakita ng mga taong katulad nila at naiiyak nalang ako palagi kasi iyon palagi ang laman ng newsfeed ko sa tiktok. (minsan napapaisip na din ang kapatid ko kung nababaliw naba ako kasi minsan tatawa ako dahil sa mga napapanuod kong katatawanan at minsan din ay iiyak ako dahil sa mga asong nasasagip ng tulong mula sa mga tao na napapanuod ko)
Pero seryoso ako sa parteng ito. Gusto ko talaga makatulong sa mga aso, meron din kasing mga alagang hayop na nakikita ko sa daanang walang balahibo't puro sugat sa katawan, meron ding mga aso na pilay dala siguro ng kagagawan ng mga masasamang tao. At nalulungkot ako sa tuwing nakikita silang ganon. Kaya kung makakapulot man ako ng ganyang halaga ay napakalaking tulong na sa mga asong nasa daanan. Pwede ko itong gamitin pambili ng munting pagkain para sakanila ng sa ganon naman ay may laman ang kanilang tyan at pampalipas ng gutom.
BAKIT ITO ANG AKING NAPILING GAWIN?
Hindi ko gugustuhing kunin ang perang ito at gamitin sa pansarili kong kagustuhan at pangangailangan. Minsan na akong nakapulot ng 100 Pesos sa daan sa Urdaneta nung nag aaral pa ako doon at hindi ko alam kung sino ang nagmamay-ari dahil wala namang pumupulot kaya ang ginawa ko noon ay binigay ko ito sa namumulubing matanda sa may gilid ng daanang papunta sa sakayan.
Imbes na kunin ko ito para sakin, mas gugustuhin ko nalamang ibigay tulong sa iba dahil sila ang mas nangangailangan. Nang sa ganon ay ang nagmamay-ari ng pera ay hindi ito nasayang at nakatulong pa siya sa kapwa niya.
Maaaring swerte ako kasi nakapulot ako ng ganong halaga, pero mas maganda sana kung may patutunguhan at maibahagi din ang swerte o biyayang natanggap mo sa iba.
Laki paring pasasalamat sa itaas kasi isa ka sa napiling makaranas ng swerte at isa ka sa naging daanan para makatulong sa iyong kapwa.
At iyan lamang ang aking kasagutan sa napili kong katanungan para sa patimpalak na ito. At kung gusto mo din bang sumali sa patimpalak na ito ay maaari mo lamang i-click ang link na ito: Ikaapat na patimpalak sa Wikang Tagalog at basahin lamang ang mga tuntunin na dapat mong sundin. Ayon lamamg at Maraming salamat sa pagbabasa!